Gilas sasagupa sa Japan
Sa kampanya sa FIBA World Cup 2019 Asian qualifiers
MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, sina naturalized player Andray Blatche, four-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, Jayson Castro at Japeth Aguilar ang muling magdadala sa Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup 2019 Asian Qualifiers.
Pangungunahan nina Blatche, Fajardo, Castro at Aguilar ang Final 12 na pinangalanan kahapon ng umaga ni national head coach Chot Reyes sa pagsagupa sa Japan ngayong alas-6 ng gabi (Manila time) sa Komazawa Gymnasium sa Tokyo na mapapanood sa ESPN5.
Ang iba pang kasama sa Final 12 ay sina Gilas mainstays Gabe Norwood, Calvin Abueva at Japeth Aguilar at mga bagitong sina Matthew Wright, Roger Pogoy, Kevin Alas, Allein Maliksi, Troy Rosario at NLEX rookie Kiefer Ravena.
Sina Carl Bryan Cruz, Mac Belo at ang may injury na si Raymond Almazan ay hindi gagamitin ni Reyes laban sa mga Japanese.
Ngunit nilinaw ni Reyes na maaari pa rin niyang kunin ang sinuman kina Cruz, Belo at Almazan sa pagharap ng Gilas Pilipinas kontra sa Chinese-Taipei sa Nobyembre 27 sa Smart Araneta Coliseum.
“I just want to tell everybody that we came here as a 15-man team. Those three guys not playing tomorrow doesn’t mean they’re not part of the team,” sabi ni Reyes.
“They're still very much part of the team, entitled to everything and all the privileges that everybody else has,” dagdag pa ng national team mentor.
Bukod sa Pilipinas at Japan, ang iba pang nasa Group B ay ang Chinese-Taipei at Australia, samantalang nasa Group D ang Iran, Kazakhstan, Qatar at Iraq.
Ang Group A ay binubuo ng China, Hong Kong, Korea at New Zealand at ang Group C ay kinabibilangan ng Lebanon, Syria, Jordan at India.
Ang Top Three teams sa nasabing apat na grupo ay hahatiin sa Group E at F para sa second round ng ‘home-and-away’ series.
- Latest