Ravena gumagawa ng pangalan sa UAAP
MANILA, Philippines — Matayog ang lipad ng Ateneo de Manila University na maagang nasolo ang liderato tangan ang imakuladang 3-0 rekord sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament.
Naitala ng Blue Eagles ang panalo laban sa Adamson Soaring Falcons, University of the Philippines Fighting Maroons at Far Eastern University Tamaraws.
At isa sa mga dahilan nito si third-year forward Thirdy Ravena na siyang pinangalanang UAAP Press Corps Player of the Week.
“I need to stay more consistent than last season. Last season, I’ll have a good game then polar opposite. I’m just mentally focused coming into the season, that I need to stay consistent,” wika ni Ravena, ang nakababatang kapatid ni dating UAAP MVP Kiefer.
Gumagawa na ng sariling pangalan si Ravena na may averages na 18.0 points, 9.0 rebounds at 2.3 assists kada laro para ungusan sa weekly citation sina Paul Desiderio ng UP at Aljun Melecio ng La Salle na parehong may career-highs sa points.
Naitala ng Ateneo ang panalo laban sa kanilang mga karibal hawak ang winning margin na 17.6 puntos kada laro.
“The players have been terrific, their attitude has been that it doesn’t matter how many minutes they play, they come in and they do their job. We’d like to keep it that way,” pahayag ni assistant coach Sandy Arespacochaga.
Malaki ang kontribusyon ni Ravena sa naturang mga panalo subalit malaki rin ang nakukuha nitong suporta sa iba pang miyembro ng koponan.
- Latest