James itinuro sa Gilas Cadets ang kanyang galaw
MANILA, Philippines — Binuksan ni LeBron James ang kanyang “Strive for Greatness” tour mula sa isang special training session kasama ang Gilas Pilipinas’ cadet team kahapon sa Kerry Sports Gym sa Bonifacio Global City.
Matapos ito ay nagsagawa naman siya ng isang basketball clinic para sa mahihirap na kabataan sa open court sa Tenement sa Taguig City.
Pinanood ni James, itinuturing na ‘greatest to play the game’, sina Gilas cadet players Kiefer Ravena, Baser Amer, Bobby Ray Parks Jr. at Kai Sotto bago siya sumama sa grupo at itinuro ang kanyang mga pamatay na kilos na nagbigay sa kanya ng tatlong NBA championships, tatlong Finals MVPs at apat na MVP trophies.
Matapos ito ay umupo siya at sinagot ang mga isinubong tanong ng media.
Hindi niya binanggit ang tungkol sa pag-alis ni Kyrie Irving sa Cavaliers para lumipat sa Boston Celtics.
“I’d like to apologize because I promised to return last time I was here and it took a long time,” sabi ni James, unang bumisita sa bansa noong 2013 via “Witness History” at noong 2015 para sa “Nike Rise” program.
Inilunsad din ni James ang brand new editions ng kanyang Nike signature brand--ang Air Zoom Generation.
Inilabas ang sapatos sa original black, white at university red colorway na ginamit ni James sa kanyang unang NBA game laban sa Sacramento Kings noong Oktubre 29, 2003.
Dumiretso si James sa Tenement kung saan niya kinausap ang mga bata bago nagtungo sa MOA Arena sa Pasay City.
Nakatakda siyang magtungo ngayon sa China para sa second leg ng “Strive for Greatness” tour.
- Latest