De Guzman itutuloy ang dominasyon ng Pocari
MANILA, Philippines - Bagong mukha ang magmamando sa Pocari Sweat sa oras na ipagtanggol ang kanilang kampeonato sa Premier Volleyball League Open Conference sa Hulyo 1 sa The Arena sa San Juan City.
Itinalaga bilang bagong head coach si Rico De Guzman na kahalili ni dating mentor Rommel Abella na siyang nagdala sa Lady Warriors sa tatlong sunod na kampeonato.
Magiging team manager naman si Atty. Ken Mirasol kapalit ni Atty. Eric Ty.
“As of yesterday, Rico de Guzman is officially our coach at Pocari Sweat,” wika ni Mirasol na dating team manager ng Main N' Tail sa Philippine Superliga.
Na-promote naman si Abella bilang team consultant na siyang tutulong kay Mirasol sa pagpapatakbo ng koponan.
“We have to promote coach (Abella) to help me manage the team,” dagdag ni Mirasol.
Target ng Lady Warriors na ipagpatuloy ang kanilang dominasyon matapos magkampeon sa 2016 Reinforced Conference, 2016 Open Conference at 2017 Reinforced Conference.
Magsisilbing lider ng koponan si reigning Reinforced Conference Finals MVP Myla Pablo kasama sina setter Gyzelle Sy, libero Melissa Gohing, open spiker Elaine Kasilag, middle blockers Desiree Dadang at Jeanette Panaga, at opposite hitter Maricar Nepomuceno.
“We're hoping we can still defend the title. The core is intact, there is no reason we will not be able to meet expectations,” ani Mirasol.
Mapapalaban ang Lady Warriors sa pito pang koponang kalahok sa edisyong ito kabilang ang baguhang Akari at Hapee Toothpaste.
Nariyan din ang powerhouse Creamline, Reinforced Conference runner-up BaliPure, Philippine Air Force, Power Smashers at Perlas Spikers.
Sasabak para sa Cool Smashers si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez kasama ang bagong miyembro ng koponan na si playmaker Jia Morado ng Ateneo de Manila University.
- Latest