Melindo tinupad ang sariling pangarap
MANILA, Philippines - Walang umasang mapapabagsak ni Milan ‘El Metodico” Melindo si dating Japanese champion Akira Yaegashi.
At mismong si Melindo ay hindi makapaniwala sa nangyari.
Sa dalawang minuto at 54 segundo ng first round ay pinabagsak ng 29-anyos na si Melindo (36-2-0, 13 knockouts) ang 34-anyos na si Yaegashi (25-6-0, 13 KOs) para agawin sa Japanese ang suot nitong International Boxing Federation light flyweight crown noong Linggo ng gabi sa Ariake Colosseum sa Tokyo, Japan.
“Hindi ko akalain. Nagulat talaga ako,” sabi ni Melindo kahapon ng umaga mula sa Tokyo halos 24 oras matapos niyang makamit ang pinapangarap na kauna-unahang world title matapos mabigo sa kanyang mga title bids noong 2013 at 2015.
Sinabi ni Melindo na limang buwan siyang nagsanay para paghandaan si Yaegashi sa laban na natapos nang wala pang tatlong minuto.
Sa katunayan ay inasahan niyang aabot sa 12 rounds ang laban nila ni Yaegashi.
“Ang balak ko lang ay maging impressive sa every round,” wika ni Melindo, nanatili sa Tokyo ng isang araw, habang kaagad bumalik sa Maynila sina ALA Promotions president Michael Aldeguer at trainers Edmund at Edito Villamor kahapon.
Ayon kay Melindo, napag-aralan niya ang istilo at lakas ni Yaegashi at nakahanda siyang lumaban sa loob ng 12 rounds.
Ngunit hindi kinaya ng Japanese boxer ang lakas ng suntok ni Melindo na hindi inaasahan ng mga boxing experts.
“Sabi ko nga, dapat ready ako mag-12 rounds,” wika ni Melindo. “Pero very happy ako. Blessed ako.”
Kasama ngayon si Melindo sa grupo nina Manny Pacquiao, Donnie Nietes at Jerwin Ancajas bilang mga reigning Filipino world champions.
Hindi pa napag-uusapan ang magiging title defense ni Melindo.
“Enjoy muna,” wika ni Edito Villamor, idinagdag na walang rematch clause na nakasaad sa fight contract sa rated Japanese fighter.
- Latest