Pocari optimistikong masikwat ang SVL Reinforced Conference crown
MANILA, Philippines - Nakasentro ang Pocari Sweat sa tangkang maisukbit ang ikalawang titulo sa paglarga ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.
Dalawang malalakas na imports ang aarangkada para sa Lady Warriors para makasama ang local players sa pangunguna nina team captain Michele Gumabao at Open Conference Finals MVP Myla Pablo.
“We’re optimistic of our chances. Our imports have arrived as early as last month and we’ve conducted team-building activities that strengthened our chemistry. The team is in high spirit,” ani Pocari Sweat coach Rommel Abella.
Papalo rin sina Elaine Kasilag, Melissa Gohing, Maricar Nepomuceno, Gyzel Sy at Desiree Dadang kasama ang nagbabalik na si ace setter Iris Tonelada.
Inaasahang ilalatag nina Andrea Kay Kacsits at Breanna Lee Mackie ang kanilang naitatagong lakas upang tulungan ang Lady Warriors na makuha ang titulo.
Ang 6-foot-4 na si Kacsits ay middle hitter mula sa Michigan Volleyball Academy habang ang 6-foot-3 na si Mackie na dating Central Valley High School star ay outside/opposite spiker.
Sa opening day, unang sasalang ang Coast Guard at Laoag sa alas-4 kasunod ang duwelo ng Philippine Air Force at University of Santo Tomas sa alas-6 ng gabi.
Sa Spikers’ Turf Season 2 Reinforced Conference, anim na koponan ang magtatagisan sa pamumuno ng defending champion Air Force.
- Latest