LaVine slam dunk king pa rin; Thompson sa 3-pts.
TORONTO - Nilundagan ni Aaron Gordon ng Orlando Magic ang kanyang mascot, ngunit wala nang iba pang mas mataas lumipad kesa kay Zach LaVine ng Minnesota Timberwolves sa slam dunk contest.
Inangkin ni LaVine ang kanyang ikalawang sunod na dunk title na siya niyang pangalawang korona matapos hirangin bilang Most Valuable Player ng Rising Stars Challenge ng NBA All-Star Weekend.
“I had to bring my A-plus-plus-plus game,” sabi ni LaVine kay Gordon. “He did two dunks that were just crazy with the mascots, jumping over them. We just kept pushing each other until the last dunk.”
Lumundag si LaVine sa loob ng free throw line at isinalpak ang malakas na between-the-legs slam dunk para sa kanyang perfect score na 50 kumpara sa 47 ni Gordon sa kanilang pinakahuling duwelo.
Samantala, inagaw naman ni Klay Thompson ng Golden State Warriors sa kanyang kakamping si Stephen Curry ang korona ng Three-Point Shootout matapos umiskor ng 27 points sa final round para ungusan ang 23 ng NBA MVP.
“Back-to-back years for Splash Brothers, it’s pretty cool,” sabi ni Thompson.
Pumangatlo naman si Devin Booker ng Phoenix Suns sa kanyang 16 points sa final round matapos talunin sina James Harden ng Houston Rocets at J.J. Redick ng Los Angeles Clippers sa first round.
- Latest