Bedans inihatid ng Viray twins sa finals
MANILA, Philippines – Nakumpleto ng Viray twins na sina Maria Jeiziela at Maria Nieza ng San Beda College ang matikas na pagwalis sa eliminasyon upang awtomatikong umusad sa finals ng NCAA Season 91 women’s beach volleyball tournament sa Subic, Zambales City.
Naitarak ng Viray sisters ang 21-22, 21-19 panalo laban kina Janine Navarro at Melanie Torres ng College of Saint Benilde para tapusin ang eliminasyon tangan ang 9-0 rekord.
Kabilang din sa mga pinatumba ng San Beda ang Arellano University, 21-7, 21-19 at Lyceum of the Philippines University, 21-13, 21-23, 15-7.
Nasa ikalawang puwesto sina Grethcel Soltones at Dangie Encarnacion ng San Sebastian College hawak ang 7-1 marka habang sina Navarro at Torres ay nahulog sa ikatlo taglay ang 7-2 kartada.
Paglalabanan ng University of Perpetual Help System Dalta, Emilio Aguinaldo College at Arellano ang huling tiket sa semis.
Sa men’s division, pinatumba ng Taneo brothers na sina Relan at Rey Jr. ng Perpetual Help ang Colegio de San Juan de Letran, 14-21, 21-15, 15-12 upang ukitin ang kanilang ikawalong sunod na panalo.
Dahil sa kanilang 8-0 na marka, nakakasiguro na ang Altas ng top seeding at twice-to-beat advantage sa Final Four.
Target ng Perpetual Help na makumpleto rin ang nine-game sweep sa pakikipagtuos nito sa Emilio Aguinaldo.
- Latest