LBC Ronda Pilipinas magbabalik sa Mindanao
MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang LBC Ronda Pilipinas na mayroon ulit silang matutuklasang bagong Reimon Lapaza ngayong taon.
Magbabalik ang LBC Ronda Pilipinas na inihahandog ng LBC Express sa Mindanao para sa una sa kanilang three-leg race na dadaan sa Butuan, Cagayan de Oro at Dahilayan, Manolo Fortich at Malaybalay sa Bukidnon sa Feb. 20-27.
“We at the LBC Ronda Pilipinas is excited to return to Mindanao,” sabi ni Ronda project director Moe Chulani.
Ang Mindanao ang pinagmumulan ng mga malalakas na siklista kagaya ni Lapaza ng Butuan City na naghari sa LBC Ronda dalawang taon na ang nakakalipas.
“Traditionally, Mindanao has its share of strong riders like Lapaza. This year, we hope to produce more champions from the region” wika ni Chulani.
Pakakawalan ang LBC Ronda sa Feb. 20 sa pamamagitan ng isang road race mula sa Butuan City kasunod ang criterium sa Feb. 21 at magtutungo sa Cagayan de Oro sa Feb. 23, isang ITT sa Dahilayan, Manolo Fortich sa Feb. 25 at isa pang criterium sa Malaybalay sa Feb. 27.
Ang Visayas leg ay kinabibilangan ng Stage One criterium sa Bago City, Negros Occidental sa March 11, Stage Two criterium sa Iloilo City sa March 13, Stage Three road race mula sa Ilolilo hanggang Roxas City sa March 15, Stage Four criterium at Stage Five ITT sa Roxas sa March 17.
Magtatapos ang karera sa Luzon stages na binubuo ng Stage One criterium sa Paseo sa Sta. Rosa, Laguna sa April 3, Stage Two ITT sa Talisay patungo sa Tagaytay sa April 4, Stage Three criterium sa Antipolo City sa April 6, Stage Four road race sa Dagupan papuntang Baguio sa April 8 at Stage Five criterium sa City of Pines.
Ang LBC Ronda na inihahandog ng LBC at LBC Express at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Mitsubishi at Versa Radio-Tech 1 Corp. katuwang ang Maynilad at NLEX bilang minor sponsors at ang Aliw Broadcasting Corp. bilang official radio partner ay kombinasyon ng road races, criteriums at individual time trials.
May inihanda ring side events ang LBC Ronda ngayong taon.
“Ronda is giving everyone a chance to not just be discovered and represent the country in future international race but also to simply give them a chance to feel the Ronda experience by joining our community ride,” sabi ni Chulani.
- Latest