Heat sunog sa Clippers
MIAMI-- Nagbida sina power forward Blake Griffin at point guard Chris Paul para sa 110-93 paggupo ng Los Angeles Clippers sa Miami Heat.
Kumolekta si Paul ng 26 points at 12 assists, habang kumamada si Griffin ng 26 points para sa panalo ng Clippers sa Heat.
Humakot naman si DeAndre Jordan ng 12 points at 11 rebounds para sa Clippers (7-4) na kinuha ang 39-15 abante sa first quarter at dinomina ang Heat sa shaded lane, 44-26.
Umiskor si Chris Bosh ng 28 points para sa Heat (6-6) na natalo sa kanilang balwarte sa Miami sa pangatlong sunod na pagkakataon sapul noong March 3-8, 2011.
Nagdagdag naman si rookie reserve Shabazz Napier ng season-high 17 points.
Sa Sacramento, nagtala si DeMarcus Cousins ng 22 points at 14 rebounds at may 20 points si Rudy Gay para ihatid ang Sacramento Kings sa 103-88 paggiba sa Chicago Bulls.
Winakasan ng Kings ang six-game road winning streak ng Bulls.
Naglista si Darren Collison ng 17 points at 12 assists para sa Kings, ganap nang kinontrol ang laro sa second quarter.
Binanderahan ni Jimmy Butler ang Chicago sa kanyang 23 points at may tig-12 sina Taj Gibson, Mike Dunleavy at Aaron Brooks, habang nagposte si Joakim Noah ng 10 points at 11 rebound sa kabila ng foul trouble.
- Latest