PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Voters registration huwag kalimutan

MAHABA ang bakasyon dahil sa ASEAN Summit­. Isang linggong bakasyon grande ang mga estud­­yante pati na ang mga empleado. Pero sabi ng Commission on Elections (Comelec), wala silang­ bakasyon dahil patuloy ang kanilang pagtanggap­ ng aplikante para sa mga bagong botante sa idadaos­ na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 2018. Payo ng Comelec, huwag sayangin ang bakasyon, magparehistro na sapagkat hanggang Nob. 30, 2017. Hindi umano magbibigay ng extension ang Comelec. Ang Barangay at SK elections ay da­lawang beses nang ipinagpaliban ni Pres. Rodrigo Duterte dahil sa pangambang gagamitin sa kam­panya ang drug money. Halos 80 percent ng barangay sa buong bansa ay drug-infested. Sabi ng Comelec, maaaring hindi na maipagpaliban muli ang election sa susunod na taon. Tuloy na tuloy na kaya kaila­ngang makapagparehistro ang mga kuwalipikadong­ botante.

Nakaugalian na ng karamihan na kung kailan dead­line saka magdadagsaan para magparehistro. Kahit pa paulit-ulit ang paalala na magparehistro nang maaga, marami pa rin ang nagkukumahog at nakikipagsiksikan sa huling araw na itinakda. Pinahihirapan ang sarili gayung maaari namang gawin nang mas maaga.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon din ng registration para sa mga bagong botante. Hindi nagkulang ang Comelec sa pagpapaalala na magparehistro nang maaga para hindi magsiksikan pero hindi rin nasunod at sa huling araw din nagkumahog sa pagpaparehistro.

Isang pangyayari na habang nagsisiksikan ang marami sa pagpaparehistro sa isang Comelec office sa Maynila, bumigay ang sahig na kinaroroo­nan ng mga nagpaparehistro at marami ang nasaktan. Hindi umano nakaya ang dami ng mga dumagsa para magpatala. Dahil sa pangyayari isinara nang maaga ang tanggapan.

Huwag nang hayaang maulit ang ganitong pangyayari. Samantalahin ang bakasyon ngayon para makapagrehistro. Magbigay naman ng abiso ang Comelec, kahit man lang sa social media, na magparehistro ang mga kuwalipikadong botante.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: