PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Kapalpakan ng PNP intelligence

MALAKI ang intelligence fund ng Philippine National Police (PNP). Para sa 2018 budget tinatayang may half billion pesos ang allocated para sa intel fund ng pambansang pulisya. Mas malaki pa umano ang intel fund ng PNP kaysa Armed Forces of the Philippines. Sa laki ng budget para sa intelligence, wala na sigurong mairereklamo ang PNP at magagampanan ng kanilang intelligence unit ang trabaho. Wala nang maikakatwiran na maliit ang kani­lang pondo para sa pagkalap ng mga impor­mas­yon na may kinalaman sa seguridad, banta at iba pa.

Siguro naman hindi na mauulit ang nangyaring­ kapalpakan ng PNP intelligence sa kaso ng anak ni Yu Yuk Lai na si Diana Uy. Si Yu Yuk Lai ang “drug queen” na kasalukuyang nakakulong sa Cor­­rect­ional­­­ Institution for Women at nahulihan ng P5 mil­yong halaga ng shabu noong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Diana ang nagsu-suply ng shabu sa Correctional. Inihahalo ang shabu sa mga sako ng bigas. May rice business si Diana at nagsusuplay sa Correctional. Nang salakayin ng PDEA ang condo ni Diana, nakumpiska ang milyong halaga ng shabu.

Makaraang maaresto, saka lamang nalaman na dalawang pulis pala ang nagsisilbing security escorts ni Diana. Binibigyan ni Diana ng P1,000 allo­wance bawat raw ang dalawang pulis. Bukod pa ito sa suweldo na tinatanggap nila. Ang Police Security and Protection Group (PSPG) ang nag-provide ng security kay Diana makaraang makidnap ang mga ito noong 2015.

Ang nakaka-shock dito, hindi alam ng PSPG na ina pala ni Diana si Yu Yuk Lai. Hindi naman daw inilagay ni Diana ang pangalan ng ina nang mag-aplay para sa security. Ayon kay PSPG director Chief Supt. Joel Garcia, hindi raw nag-appear ang relationship ni Diana sa inang si Yu Yuk Lai.

Dito makikita ang kahinaan ng PNP intel sa kabila na may malaking budget. Hindi man lang sila nag-effort na tuntunin kung sino ang ina ni Diana. Dapat naghinala na sila kung bakit hindi nito isinulat ang pangalan ng ina sa aplikasyon.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Dapat buwagin ang PSPG dahil inutil. Bigay lang sila nang bigay security. Kahit drug trafficker, binibigyan ng security. Kakahiya ang PNP na mahina ang intelligence gathering.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: