PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Pag maputi na mata ko!’

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

KUNG ANONG MAINGAY yun ang pinapansin. Kapag nakapinsala yun ang babalingan at aayusin.

Una na naming naitampok sa aming pitak ang lumapit sa amin ang kwento ni Lorilyn Canals na kumuha ng bahay sa Property Company of Friends (PRO-FRIENDS). Pinamagatan namin itong “Tuyot na, pinipiga pa?”

Ang ama ni Lorilyn ang unang nakipag-ugnayan sa amin tungkol sa problema ng kanyang anak. Sa Lancaster Imus, Cavite kumuha ng bahay ang kanyang anak.

Taong 2013 nang magpareserba sila at nang sumunod na taon ay nagsimula nang maghulog ng equity sina Lorilyn. Natapos nila ang pagbabayad ng equity nung Setyembre 2015.

Tuluy-tuloy ang pagbabayad ng mag-asawa pero sadyang ang pagkakataon na ang nagtutulak sa kanya na pansamantalang bitawan ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay.

Abril 2015 nang ma-stroke ang asawa ni Lorilyn. Alam ni Lorilyn ang kanyang obligasyon at kahit na siya na lang ang kumakayod para sa pamilya ay sinubukan niya pa ring bayaran ang kanilang bayarin sa PRO-FRIENDS.

Maliban sa bayarin niya sa bahay ay tuluy-tuloy din ang pagpapagamot ng kanyang mister. Batang-bata pa rin ang kanilang anak kaya dumating sa punto na hindi niya na kaya ang gastusin.

Gumawa siya ng paraan at sinubukang umutang sa bangko o Pag-ibig ngunit hindi naman siya qualified.

Nag-email siya sa PRO-FRIENDS si Lorilyn para mag-request ng refund. Ang bahay na kanilang binibili ay may kabuuang halaga na Php1,897,560. Sampung libo ang binayaran nila para sa reservation fee. Nagkaroon din sila ng discount na sampung libong piso dahil may promo.

Ang lahat na naibayad nila kasama ang equity ay aabot na sa Php320, 256.60. Kung itutuloy ni Lorilyn ang pagbabayad  kulang pa siya ng Php1, 577, 303.40.

Sa pagbili ng bahay kailangan may katuwang ka rin sa pagbabayad nito lalo na kung hindi naman kalakihan ang kinikita mo.

Pagdating ng Nobyembre 16, 2015 nag-email siya sa PRO-FRIENDS na gusto na lang niyang mag-back out o kanselahin ang pagbili ng property.

Iniisip niyang ilaan na lang ang perang naihulog sa patuloy na pagpapagamot sa mister.

Sumagot sa kanya ang kinatawan ng PRO-FRIENDS at ipinaalam na ipararating nila ang kanyang kahilingan sa tamang departamentong nakatoka dito.

Dadaan muna ito sa evaluation at approval ng management. Nangako ang mga ito na ipapaalam kay Lorilyn kaagad kung ano ang magiging desisyon ng mga ito.

Disyembre 2015 nang may mag-email kay Lorilyn. Bagamat nauunawaan nila ang kalagayan ng ginang hindi nila mapagbibigyan ang kahilingan niyang mag-refund matapos nilang suriin ang tala ni Lorilyn.

Nakasaad din dito na nung counselling ay naipaliwanag na sa kanila na kapag nag-withdraw sila sa Reservation Agreement ay mapapawalang bisa ang nagawang pagbabayad at reservation fee.

Sa halip daw na mag-withdraw si Lorilyn ay magkaroon na lang ng transfer of ownership na limitado lamang sa kapamilya. Dadaan pa sa pag-aapruba nila kung hindi kamag-anak ang paglilipatan.

Limang araw lang ang palugit na ibinigay kay Lorilyn mula nang matanggap ang email. Sinubukan niyang maghanap ngunit walang may gustong bumili ng bahay.

Pagdating ng Enero ‘for cancellation’ na ang kanyang unit dahil gusto niyang mag-withdraw.

Hindi raw maaari ang gusto niyang makakuha ng refund.

Nakipag-ugnayan kami sa PRO-FRIENDS para kay Lorilyn.                Nung magbitiw ang madalas naming pinagpapasahan ng problema tungkol sa nasabing kompanya ay nagbigay naman siya ng panibagong tao na maaari naming makausap.

Ipinasa niya na rin daw ang problema ni Lorilyn dito ngunit hindi pa din kami nakakatanggap ng magandang balita kaya nagpasya na ka­ming direktang ipaabot ang problema sa taong humahawak ng ganitong kaso pagdating sa PRO-FRIENDS.

Sumagot ito ipaaalam daw nila ito sa kinauukulan at may makikipag-ugnayan kay Ms. Lorilyn tungkol dito.

Palagi naman kaming binabalitaan ng ama ni Lorilyn tungkol sa nagiging takbo ng usapan at ire-refund na raw ang pera nito maliban na lang sa reservation fee.

Enero 13, 2017 nang mag email sa amin si Lorilyn at nagpapasalamat sa naging tulong namin sa kanya. Nakuha na raw niya ang pera mula sa PRO-FRIENDS nung Enero 11, 2017.

“Labis po ang aming tuwa ng aking tatay ng matanggap namin ang check noong January 11, 2017.Nagpapasalamat po ako sa Poong Maykapal dahil gumawa siya ng paraan para makakita kami ng tutulong sa problema namin : iyon nga po ng mabasa ng tatay ko ang column nyo sa dyaryo,” ayon sa bahagi ng sulat sa amin ni Lorilyn.

Sa totoo lang daw ay nawalan na sila ng pag-asa dahil nagawa na niya ang lahat ng pwede niyang gawin. Kailangan daw niyang pagtuunan ng pansin ang pag-aalaga at pagpapagamot sa asawa’t anak nita.

Sa dulo ng liham ni Lorilyn ay nakasaad na pumirma daw siya ng ‘quit claim’ na nagbabawal na mapublish ang nangyari.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES,  media ang takbuhan ng mga tao lalo na kung tingin nila ay hindi naman napapansin ang kanilang mga reklamo.

Aayusin niyo ang isa pero napakarami pang nakabinbin. Lumalabas na ayaw niyo itong ipamalita dahil baka magdagsaan ang mga taong humihingi ng refund laban sa inyong kompanya.

Bakit ayaw niyo ipaalam sa media at pinagbabawalan niyo na ipamalita ito? Hindi ba mas maganda na malaman din nila na nagbibigay din kayo ng konsiderasyon sa gaya ni Lorilyn?

Minsan kaming sumuporta sa inyo dahil ang sabi niyo aayusin niyo ang problema kumalas kami nang makita namin ang dami ng reklamo na hindi niyo inaayos. Hinihikayat namin ang mga may reklamo dito sa PRO-FRIENDS na kumontak kay Chen Sarigumba at nang matulungan namin.

Kung kaya niyong gawin kay Lorilyn ay kaya niyo ring gawin yan para sa iba pang namumuti na ang mata sa kakahintay.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: