^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Katiwalian sa ERC halungkatin na

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Katiwalian sa ERC halungkatin na

MABUTI naman at nag-file na ng leave ang chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC) bilang pagtalima sa panawagan na magbakasyon muna para maisagawa ang imbestigasyong may kaugnayan sa nangyayaring korapsiyon sa nasabing ahensiya. Sabi ni ERC Chairman Jose Vicente Salazar, magli-leave siya ng isang buwan habang isinasagawa ang imbestigasyon. Wala namang balita kung kailan magli-leave ang iba pang matataas na opisyal ng ERC. Una nang sinabi ng ERC officials na hindi sila magbibitiw sa puwesto kahit na nag-utos pa si President Rodrigo Duterte. Ginawa ni Duterte ang utos habang siya ay nasa Lima, Peru at dumadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperations (APEC) summit.

Nagalit si Duterte nang malaman ang nangyari sa ERC at sinabing kailangang mag-resign lahat ang ERC officials. Huwag na raw hintayin ng mga ito na ipahiya pa niya. Ginawa ng Presidente ang utos makaraang mapabalita ang pagpapakamatay ng isang mataas na opisyal ng ERC dahil sa namamayaning korapsiyon sa tanggapan.

Nabulgar ang korapsiyon sa ERC nang magpakamatay si Jose Francisco Villa Jr., chairman ng bidding body ng nasabing tanggapan. Nagbaril si Villa. May mga natagpuang sulat kay Villa na nagsasabing may isang mataas na opisyal na nag-pressure sa kanya para aprubahan ang ERC procurement contracts sa kabila na walang proper bidding procedures. Inutusan din umano siya na mag-hire nang maraming consultants. Hindi masikmura ni Villa ang ipinag-uutos ng mataas na opisyal kaya nagpakamatay.

Noon pa man, sumisingaw na ang katiwalian sa ERC subalit walang may lakas ng loob na magbulgar. Kailangan pang may mamatay para mahalungkat ang nangyayaring katiwalian. Ngayong may nasayang nang buhay, dapat ipagpatuloy ang paghalungkat sa katiwalian sa ERC. Ipakita ng Presidente na galit siya sa mga corrupt sa pamamagitan nang tama at masusing pag-iimbestiga hanggang malantad ang katotohanan at maparusahan ang mga tiwali sa ERC.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with