^

PSN Opinyon

Pag-ibig na walang hanggan

PILANTIK - Dadong Matinik - Pilipino Star Ngayon

Ang kagandahan mo nang unang makita

puso ko’y tumibuk-tibok na kaba;

Para bang ang buhay sa aki’y gumanda

at ang dalamhati’y naparam na bigla

 

Sa mga labi mong simpula ng rosas

nais kong idampi mga labing mamad;

Sa mga ngiti mo’y aking namamalas

ang libong pag-asa at magandang bukas

 

Ang mga pisngi mong namumula-mula

ay nais kong hagkan sa pangungulila;

Sa mga titig mo’t malamlam na mata

ibig mag-umalpas pusong sumisinta

 

Sa leeg mo sinta’y hangad kong ikintal

ang suyo ng labing walang katapusan;

Mula sa leeg mo’y nais ko rin hirang

ihaplos ang halik sa dibdib mong yaman

 

Napapansin mo bang tuwing magkikita

ang kagandahang mo’y sinasamba-samba;

Ang mga sulyap ko’y lihim na paghanga

sa kagandahan mong tangi’t pambihira

 

Ang puso’t ang diwa’y papaglunduin

sa katauhan mong ilaw sa panimdim;

Ang lahat sa iyo’y nais kong samyuin

upang ligaya’y lubos na maangkin

 

Ang kagandahan mo’y buhay na larawan

ng isang babaing ngala’y Bathaluman

Ikaw din ang Venus -- tanging Paraluman

na iibigin ko hanggang kamatayan

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with