^

PSN Opinyon

Ang ika-6 na utos

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

HUWAG kang papatay. Ito ang ika-6 na utos ng Diyos sa tao. Ito ang bagong mensahe at kampanya ng Simbahang Katoliko, dahil sa lumalaganap at tila wala nang kontrol sa pagpatay ng mga hinihinalang pusher, adik, pati na rin mga magnanakaw at iba pang kriminal. Noon, ang mensahe ay “Huwag kang magnakaw”, dahil sa mga lumutang na insidente ng pandarambong. Kahapon ay may misang ginanap kasabay ng unang SONA ni President Duterte. Ginawa para ipagdasal ang mga pamilya ng mga naging bikitma ng “extrajudicial killings”. Ito ang mga natatagpuang bangkay sa buong bansa, na may nakasabit na karatula sa kanilang katawan na sila’y ganito o ganung kriminal na huwag tularan. Mga biktima na walang pagkakataong ipagtanggol ang sarili dahil ninakawan na ng kanilang karapatan para sa tamang proseso. Hinatulan, sinentensyahan, pinatay ng mga “hit squads” o “vigilante groups”. Sigurado maganda ang kini­kita ng mga mamamatay-taong ito ngayon. Sa Pasay lang noong Sabado, apat na bangkay ang natagpuang may mga karatula. Tila maganda rin ang benta ng karton at pentel pen ngayon.  

Pero alam naman natin ang tingin ni President Duterte sa simbahan, pati na sa mga adik, hindi ba? Hipokrito raw ang simbahan, at wala nang pag-asa ang mga adik ng shabu. Kahit ano pa ang gawin ng simbahan ay walang na sigurong pakialam ang Presidente. Kaya tiyak hindi titigil ang patayan. Wala ring pang-aali­pusta sa mga nagaganap na patayan mula sa mamamayan. Parang tahimik na sumasang-ayon sa lahat ng pinapatay. Pero hihintayin pa ba ng mamamayan kapag naaabuso na ang mga patayan na iyan? Kung saan mga wala namang kinalaman sa krimen ay pinapatay na rin dahil sa mga personal na dahilan, pero sasabitan rin ng mga karatula? 

Wala na ngang saysay ang “due process” ngayon. Para sa mga mayayaman at maimpluwensiya na lang ang mga ‘yan tulad ni Peter Lim, kung hindi rin sila mapapatay ng mga pulis sa lehitimong operasyon tulad ni Meco Tan. Pero kung sasabihin pala ni President Duterte na kailangan niyang lumusob ng ibang bansa para mapatay ang ibang mga drug lord, ibig sabihin ba ay hindi niya maaabot ang mga ito at mapapatay, kaya hindi rin titigil ang pasok iligal na droga sa bansa? Sinasabi na ba niya na hindi magagawa ang tatlo hanggang anim na buwan na taning na binigay niya sa kanyang sarili, dahil hindi nga maabot ang mga drug lord? Dahil hangga’t may drug lord, hindi titigil ang iligal na droga, hindi titigil ang kanilang “industriya”. Bagay na alam na ng ilang bansang naglunsad din ng kanilang digmaan laban sa iligal na droga tulad ng Thailand at Colombia. Sa simula ay tila epektibo, dahil sa dami ng mga napapatay, pati na mga inosente. Pero habang tumatagal, hindi rin talaga napigilan ang iligal na droga sa kanilang bansa.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with