^

PSN Opinyon

“Saan na sila ngayon?”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

KASAMBAHAY ang madalas pasukin ng ating mga kababayan na nanga­ngailangan ng agarang trabaho lalo na kung hindi naman ganun kataas ang kanilang pinag-aralan. Lumuluwas pa sila ng Maynila para makahanap ng among magbibigay sa kanila ng mataas-taas na sahod.

Noon walang kontrata silang pinipirmahan sa kanilang mga amo. Binibigyan ng day-off upang makapamasyal at bonus pagdating ng pasko.

Dati-rati Php1,500 ang sahod nila at ito’y nakukuha sa mga kakilala sa probinsya at rekomendado ng kakilala o kamag-anak natin.

Ngayon nauso ang ‘Local Manpower Agencies’ kung saan sila ang mga nagre-recruit ng mga kasambahay at sinisingil tayo ng Agency Fee.

Sumasahod na sila ng Php4,000 bawat buwan at kapag tagapagluto ka naman ay P5,000-6,000 pesos kada buwan.

Ang mga local agencies ay hindi lamang kumuha ng ‘Agency Fee’ kadalassan 20% ng kanilang sahod sinisingil na sa among gustong kumuha.

Bibigyan ka naman ng kontrata na tatagal ng anim na buwan at kapag umalis sila, may ipapalit subalit kailangan magbayad ka ng ‘replacement fee’.

Mula nang mauso ang pangingibang bansa ng ating mga kababayan upang magtrabaho bilang Household Service Worker (HSW) o kilala sa tawag na Domestic Helper (DH) noon ay kumakaunti na ang mga nagtatrabaho dito sa Pilipinas.

Ito ay dahil sa pagsulputan ng mga ‘International Recruitment Agencies’ na may mga kliyente kadalasan sa Gitnang Silangan at iba’t-ibang parte ng mundo.

May mga sangay pa ang mga ahensiyang nagpapaalis ng mga HSW’s na umaabot hanggang sa Mindanao at may mga ahente silang sinusuyod at ginagalugad ang buong Pilipinas para maghanap ng mag-aapply.

Kung ikukumpara mo nga naman mas malaki ang kikitain nila sa ibang bansa na kalimitang umaabot ng Php16,000 bawat buwan habang dito sa Pilipinas ay Php4,000 lang.

May dalawang taong kontrata at ipinapangako pa ng mga ahensiya na walang babayarang ‘processing fee’ ang aplikante.

Ang isip naman ngayon ng ating mga kasambahay, anim na buwan silang tali sa local kontrata at isang taon at kalahati (dahil dalawang taon sa abroad) kikita sila ng apat na beses na higit na mas Malaki sa kanilang sweldo. Makakapag-ipon sila at makakapundar ng gamit at sa pagbalik maaaring magsimula ng maliit na negosyo. Kaya ngayon unti-unti nang nauubos ang kasambahay natin.

Subalit hindi ganito ka simple ang lahat ng ito. Hindi basta Arithmetic ng sweldo. Hindi ito madaling makuha sapagkat dadaan ka pa sa butas ng karayom. Malalayo ka sa pamilya mo, ibang kultura ang dadatnan mo at wala kang kakilala doon. Ibang salita ang meron sila kaya’t kadalasang nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Bago ka makaalis kailangan mong sumailalim sa ilang seminar. Kabilang dito ang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) upang ihanda ang ating mga kababayan sa maaari nilang datnan sa ibang bansa.

Itinuturo dito kung ano ang kanilang mga karapatan, mga alituntunin ng imi­grasyon at iba pa. Dapat ay nasa 23 taong gulang ka pataas para maging kwalipikado sa trabaho.

Kung hihimayin mong mabuti kalimitang ang ahensiya lang ang kumikita sa pagpapaalis nilang ito.

Meron mga balasubas na ‘recruitment agencies’ na ang kontratang pinipirmahan nila ay para sa 1,800 Dirhams na dapat sweldo ng HSW ngunit 1,600 Dirhams lang ang inilalagay nila sa kontrata sa pagitan ng ahensiya at ng aplikante.

Dito pa lang may kita na silang 200 Dirhams. Akala rin ng iba na wala silang binabayarang placement fee subalit kapit na sila sa patalim na kinukuha ng mga ito ang isang buwan nilang sahod.

Sa aming karanasan marami nang reklamo kaming natanggap na apat o limang buwan pa lang gusto ng umuwi ng bansa. Lalong-lalo na ang mga HSW’s na napupunta sa Middle East. Sinasaktan, hindi pinapakain at may reklamo pa ng panggagahasa.

Kung mabigyan ka naman ng ‘day-off’ saan ka pupunta gayun hindi mo kabisado ang lugar at wala ka namang kakilala dun.

Hindi sila basta makaalis sapagkat kailangan nila ng ‘exit visa’ mula sa employer para lang makauwi ng bansa. Kung ibabalik sila sa ahensiya papalitan sila sa naging amo at ibibigay naman sa iba. Paulit-ulit ang proseso na para bang isang gamit ang ating kababayan na ipinapasa-pasa na lang.

Ang problema dito para kang nakagapos sa papel dahil sa kontratang pinirmahan mo. Meron ka ngan Iqama o working visa pero hindi ka pwedeng lumipat ng amo.

Kasong ‘Qualified Theft’ naman ang kakaharapin nila kapag bigla na lang silang tumakas. Ang ating embahada doon ay punung-puno na ng mga kaso ng ‘run-away’.

Dito na papasok ang Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) sa pamumuno ni Administrator Hans Leo Cacdac upang tumulong. Ipinapatawag niya ang mga ahensiyang nagpaalis na nagmistulang bingi sa reklamo ng pamilyang naiwan dito sa Pilipinas.

Marami na kaming inilapit na ganitong problema kay Admin. Cacdac at inaksiyonan niya ito lahat. May mga ahensiyang napatawan ng parusa at pinagbayad ng danyos sa hindi pangangalaga sa kanilang mga aplikante.

Mismong ang mga tauhan ni Admin. Cacdac, sa pamumuno ng kanyang Chief of Staff na si Atty Edelyn Claustro ang umaasikaso nito at kumausap sa mga ahensiya para ayusin ang mga dokumentong kailangan sa pagpapauwi. Kahit nasa Pilipinas na ang HSW hindi pa din sila tumitigil at kinakausap nila ang mga ito para kunin ang kanilang panig sa nangyaring problema.

Hindi ko nilalahat ang mga ahensiya dahil may mga natitira pa namang tapat sa kanilang kagustuhang makatulong sa ating mga kababayan. Maingat nilang pinapangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang aplikante.

Ang aking maliit na rekomendasyon dito ay mas paigtingin dapat ang ating kasunduan sa mga bansang kumukuha ng HSW’s sa atin lalong-lalo na sa Middle East kung saan maraming nagrereklamo.

Nakasaad sa kontrata sa pagitan ng employer at HSW na bawal nilang saktan ang mga anak ng kanilang amo pero wala namang nakasaad na hindi rin pwedeng pagbuhatan ng kamay ang ating mga kababayan.

Sa ngayon gumagawa na ng aksiyon sina Admin. Cacdac upang madisiplina ang nagtutulug-tulugang ahensiya. Pinupuksa din nila ngayon ang mga ‘illegal recruiters’ na nagkalat sa ating bansa.

Ang mga lehitimong recruiters ay kanilang tinututukan kapag may nagrereport sa kanilang tanggapan na nadedehado ang ating mga bagong bayani.

Marami na silang napasarhan at natanggalan ng lisensiya sa pagpapaalis ng illegal at paggamit ng pekeng mga dokumento. Nakikipag-ugnayan na din ang POEA sa iba’t-ibang bansa upang masugpo ang illegal recruiters na nagiging dahilan kung bakit napapahamak ang mga manggagawang umaalis ng bansa.

Patuloy din sila sa pagpapaalala kung ano ang mga kailangan at tamang bayarin sa ahensiya para masigurong hindi sila niloloko ng mga ito.

PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment

ACIRC

AGENCY FEE

ANG

ATING

HINDI

KANILANG

MGA

PARA

PILIPINAS

SILA

STRONG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with