^

PSN Opinyon

Nasa Camp Aguinaldo na

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAKAALIS na ang USS Peleliu, ang amphibious assault carrier kung saan nakadestino si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton. Pero huwag tayong mag-alala, nasa bansa pa ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Jeffrey “Jennifer” Laude. Hinatid sa pamamagitan ng helicopter mula sa USS Peleliu sa Camp Aguinaldo si Pemberton, bago lumayag ang nasabing barko. Bunsod ito ng kasunduan ng panig ng mga Amerikano at gobyerno, base na rin sa VFA. Sa Camp Aguinaldo ikukulong si Pemberton, at hindi sa US Embassy tulad ng ginawa nila kay Daniel Smith. Tiniyak na hindi mauulit ang ganyang kasunduan. Pero, sa isang silid na naka-aircon ilalagay si Pemberton, na may sariling banyo at kama, at may bantay na mga Amerikano at Pilipinong sundalo. Patunay na alagang-alaga talaga ng Amerika ang kanyang mga sundalo, kahit nasasangkot pa sa krimen.

Mabuti at nasa Camp Aguinaldo na si Pem­berton at hindi sa US Embassy. Ayon kay Secretary of State John Kerry, patunay ito na hindi nila binibigyan ng “special treatment” si Pemberton, at tumutupad sila sa VFA. Ito rin ag pahayag ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg. Pero hindi maiiwasan ang tingin ng marami na may VIP treatment ang sundalong ito, kumpara sa ibang suspek sa marahas na krimen. Binatikos nga ni Sen. Miriam Santiago ang tila VIP treatment kay Pemberton, at nanawagan na ibasura na ang VFA. Sablay daw ang kasunduan dahil masyadong pabor sa mga Amerikanong sundalo, partikular kapag nasasangkot sa krimen. Katulad niyan, helicopter pa nila ang naghatid, at naka-aircon pa.

Nagtataka nga ako kung bakit may mga Amerikanong bantay si Pemberton kahit nasa Camp Aguinaldo na. Ganyan ba talaga kapag nasasangkot ang kanilang mga sundalo sa mga krimeng nagaganap sa ibang bansa? Hindi ba’t batas ng Pilipinas ang iiral sa paglitis ng kaso? Sa Okinawa, Japan, ilang beses nang nasasangkot sa mga krimen ang mga Amerikanong sundalo doon. May mga kasong pagpatay at panggagahasa. Ang isang kaso ay ang panggahasa ng isang 12 taong gulang na babae ng tatlong Amerikanong sundalo noong 1995. May panggagahasa ring naganap doon noong 2008 at 2013. Kaya naman ilang taon na ring pinapaalis na ang base militar ng Amerika sa Okinawa ng mga taga-roon.

Ngayong nasa bansa na talaga si Pemberton, dapat umusad na kaagad ang kaso laban sa kanya. Alam na ng lahat ang mga pagkakamaling naganap sa kaso ni Daniel Smith, kaya hindi na dapat maulit. Wala dapat pag-aareglong maganap sa pagitan ng mga litigante. Kailangan mabilis ang kaso, kung saan tunay na mabibigyan ng hustisya ang biktima. Kailangan ring pag-aralan muli ang VFA, lalo na sa bahagi nito hinggil sa mga sundalong gumagawa ng krimen at tila walang magawa kaagad ang gobyerno sa mga sundalong Amerikano kapag may krimeng naganap. Ni hindi mahuli kaagad at may kasunduan pang dapat maganap, bago isuko. Parang may mali nga naman diyan.

 

vuukle comment

AMERIKA

AMERIKANO

AMERIKANONG

CAMP AGUINALDO

DANIEL SMITH

KAILANGAN

PEMBERTON

PERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with