^

PSN Opinyon

“Taya .. taya .. sa Mandaraya”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MINSAN ALAM na nating niloloko tayo subalit dahil hindi natin matanggihan ang ganda ng kanilang inaalok nagpupumilit tayong pasukin ito.

 â€œMagbigay ka sa amin ng dalawang libo at magiging isang milyon ito.” Iyan ay isa lamang sa mga napakaraming pang-aakit ng Bullion Buyer Ltd sa mga hinihikayat nitong mag miyembro sa kanilang samahan.

“Madami na ang kanilang nabiktima sa buong Pilipinas. Umaabot na ng kalahating milyon ang naloko nila,” bulalas ni Tony.

Si Tony ay si Antonio “Tony” Sapalco, 61, taga Paniqui , Tarlac. Nagpunta si Tony sa aming tanggapan, kasama si Remedios Salango, 44, upang humingi ng tulong ukol sa isinampang kaso laban sa Bullion Buyer Ltd.

Ang Bullion Buyer Ltd. ay isang organisasyong itinatag umano ni Emmanuel Destura at Felicisima Cantos. Nagsimula ang samahan sa Luzon nung 2011 hanggang kumalat ito sa buong Pilipinas.

Nangako ang kompanyang gagawing isang milyong piso (1M) ang nagbigay ng dalawang libong piso na kanilang mga miyembro. Bukod pa dito’y bibigyan rin daw sila ng 1 million US dollars matapos ang 30 araw.

Maliit na halaga lang ang hinihingi kaya madami ang kumagat dito. Ayon kay Tony, Desyembre taong 2008 nang una niyang nakilala si Emmanuel Destura o “RD” (Red Dragon) kung tawagin ng mga miyembro ng kanilang organisasyon sa condo unit ng kanyang pinsang balikbayan na si Paz Santos sa Ortigas.

Dati pa raw kakilala ni Paz si RD at nagkakasosyo sila sa negosyo. Hinikayat siyang sumali ni RD ngunit milyones daw ang puhunan. Hindi kaya ni Tony na maglabas ng ganun kalaking pera kaya ipinagkibit-balikat na lang niya ito.

Taong 2011, sinabihan ulit siya ni RD na bibigyan siya ng 1M. Makukuha na raw niya ang ‘cash deposit’ ng tatay niya sa Switzerland na aabot sa 200 Billion US Dollars (Wow! Ilang bath tub ni Napoles ang kayang punuin niyan).

Wala raw silang ibang gagawin kundi ang maghanap pa ng mga taong matutulungan (recruits). Mas marami raw mas mainam. Sa proseso kelangan nilang magpadala ng 2,000 PHP kada isa sa bank account ni RD na gagamitin para sa mas mabilis na “mobilization” ng samahan.

“Napasali ako kasi yung naisip ko, yung pinsan ko nga milyones ang ibinigay sa kanya, ano pa kaya akong dalawang libo lang? Naisip ko wala namang mawawala sa akin kaya napasubo na ako. Hindi ko akalaing madami palang mabibiktima,” wika ni Tony.

Ika-11 ng Setyembre taong 2011 nabuo ang samahan. Nanghikayat sila ng mga bagong kasapi sa organisasyon. Ang insentibo na ipinatupad ng samahan ay sinumang makapagbibigay ng 2, 000 PHP ay tatanghaling “Participating Leader” o PL at aatasang kumuha pa ng 1, 500 recruit beneficiaries.

Ang mga PL ay bibigyan ng “Document of Agreement” (DOA). Nakalagay sa kontrata na dahil sinusuportahan nila ang adhikain ng Bullion Buyer Ltd. reregaluhan sila ni RD ng isang milyong piso at pagkatapos ng 30 araw 1 million US Dollars naman. (Hindi ba nakakalula lahat ito?)

Ang hinihingi lang sa kanila ni RD ay ang pagtitiwala at pagsanib sa kanilang samahan. Ang mga recruit beneficiaries ay mabibigyan ng 50, 000 PHP pag dumating na raw sa bansa ang pera ni RD. Kailangan lamang nilang magbigay ng 150 PHP kada isa upang makuha ang kanilang “marriage certificate” sa NSO.

Isa sa mga unang nahikayat ni Tony ay ang kaibigang si Remy, isang nurse na dating nagtrabaho sa Saudi. Nagbayad rin siya ng 2, 000 PHP kay RD kaya’t hinirang na PL. Madami na rin daw na-rerecruit si Remy ng biglang nakatunog siya ng di maganda sa kompanya.

“Nung 2011 linggo-linggo sila magpa-meeting. Minsan sa Maynila, Tarlac, Pamapangga o Baguio. Lagi nila kaming pinanga­ngakuang magbibigay ng isang milyong piso. Nung pinakahuli nga’y sinabihan nila kaming magtipon sa Max’s Parañaque kasi nandun daw si Imelda Marcos. Pero walang dumating. Kanya-kanyang bayad pa kami,” ayon kay Remy.

Abril taong 2012 naman daw ng makatunog si Tony. Namatay raw ang asawa ni Paz at pinangakuan raw sila ni RD na nasa dalawang container van na raw ang pera nila sa barko na naglalayag pa sa Zambales ngunit naagnas na ang bangkay ng asawa’y wala pa rin silang natanggap.

Nagsimula ng mawalan ng gana sila Tony, Remy at iba pang mga kasamahan nito sa pagmimiyembro sa organisasyon. Hanggang isang araw, pinatawag na naman daw sila sa isang pagtitipon nila RD at Felicisima.

“Hiningan nila kami ng 2, 000 PHP para sa ID na magiging ‘credit card’. Sabi nila pwede na naming makuha yung pera ‘pag nasa amin na yung card,” kwento ni Remy.

“Nung pagdating sa ‘min malaki ito kumpara sa mga credit card at ATM kaya’t nun pa lang napagtanto na naming naloko kami,” dagdag niya.Nakasulat sa card na yung address ng kompanya ay sa Queen’s Road Central, Beijing China. At sa likod may pirma ito nina Warren Smith bilang Buyers

Redeemer at Ferdinand Marcos bilang Pangulo ng Pilipinas.

Nang huling nag-usap sila Tony at RD, sinabihan daw siya nitong, “bro, ang hirap ‘pag napakarami mong pera kaya susundin ko lahat ng nakasulat sa DOA pag dumating na yung pera.”

Ilang buwan ang dumaan simula nung mag-usap sila ngunit wala pa rin silang natatanggap na pera galing dito. Hanggang nung ika-5 ng Marso 2013 nagpasya nang magsampa ng kasong Syndicated Estafa laban kina RD at Felicissima sila Tony at ang mga kasamahan nito.

Itinampok namin sina Tony at Remy sa “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm)

Ilang buwan pa matapos magsampa ng kaso si Tony sa Tarlac at Pangasinan, binabaan na ng Warrant of Arrest sina Emmanuel Destura at Felicisima Cantos. Subalit hanggang ngayon mailap pa rin sila sa mga pulis.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES Kapag inalok ka ng isang manliligaw na ibibigay niya sa iyo ang buwan at mga bituin at ititira ka sa paraiso tanggalin mo ang mga tabing sa iyong mga mata. Siguradong binobola ka lamang nito. Dalawang libo kikita ng isang milyon?

May mga isip at nasa wastong gulang na kayo para timbangin ang totoo. Yung pera ni Marcos na umano’y nasa Switzerland hanggang ngayon mula nung panahon ni Presidente Cory Aquino, dalawang dekada at pitong taon nang hinahabol ng ating gobyerno sa pamamagitan ng PCGG wala pa ring nangyayari. GG (galunggong) pa rin ang ulam ng ating kababayan.

Mabuti naman umaksyon ka Tony dahil baka bandang huli baka pati ang mga na-recruit mo ay magalit sa’yo ng tuluyan at ikaw naman ang kasuhan.

Sa mga taong may impormasyon sa kinaroroonan nitong sila Emmanuel Destura at Felicisima Cantos, maaaring makipag-ugnayan sa aming tanggapan para mabilis silang madakip. Makikita ang aming mga numero sa ilalim.

Ini-refer namin sila sa tanggapan ni P/Senior Supt. Rudy Lacadin, Chief of Staff ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame para tugisin ang dalawang ito at para matigil na rin ang panloloko nila sa iba pa nating mga kababayan.  (KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ)  Sa mga biktima ng krimen o may legal problem magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

vuukle comment

BULLION BUYER LTD

EMMANUEL DESTURA

FELICISIMA CANTOS

ISANG

NILA

REMY

SILA

TONY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with