^

Metro

Suspek sa bank employee rape-slay, arestado!

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon
Suspek sa bank employee rape-slay, arestado!

Ang prime suspect sa panggagahasa at pagpatay sa bik­timang si Ma­bel Cama na si Randy Oavenada matapos siyang matim­bog ng mga pulis-EPD sa Pasig City ka­hapon. Non Alquitran

MANILA, Philippines — Naaresto na ng mga ta­u­han ng Eastern Police District (EPD) ang sinasabing pangu­nahing suspek sa brutal na pang­­hahalay, pagpatay at pagsunog sa bangkay ng 22-taong gulang na bank employee sa Pasig City na naganap no­ong Nob. 12 ng gabi.

Kinilala ni EPD Director Chief Supt. Romulo Sapi­tula ang suspek na isa uma­­nong drug addict na si Randy Oave­nada, nasa hustong gulang, residente ng Ortigas Ave­nue Extension Compound, Brgy. Rosario, Pasig City.

Ayon kay Supt. Orlando Yebra, hepe ng Pasig City Po­lice, si Oavenada ay isa sa limang “persons of interest” na isinailalim nila sa drug test, interogasyon, at sa fingerprint sa katawan ng biktimang si Mabel Cama.

Sinabi ni Yebra, lumitaw sa isinagawang crime laboratory sa fingerprints mula sa kata­wan at cellphone ng biktima na positibong si Oavenada ang siyang pangunahing suspek sa pagpatay kay Cama.

“Lumabas din po sa isinagawa naming drug test kay Oavenada na positibong gu­ma­gamit siya ng droga, kaya namin siya inaresto,” pahayag ni Yebra.

Nakakulong ngayon si Oavenada sa detention faci­lity ng Pasig police at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Pasig City Prosecutor’s Office ngayong Lunes.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng Pasig Police ang resulta ng crime laboratory sa iba pang natukoy nilang persons of interest.

Magugunita na noong Linggo­ ng umaga, natagpuan ang hubad na katawan ni Cama sa isang abandonadong gusali na may 40 metro ang layo mula sa kanyang bahay sa Ortigas Avenue Extension, Brgy. Rosario.

Ilang oras bago natagpuan ang bangkay ni Cama ay may nagtangkang sumunog sa gusali, pero naapula ito ng mga residente. Wala namang residente na pumasok sa gusali kaya inabot pa ng tanghali bago nakita ang bangkay ni Cama.

Isang saksi ang huling nakakitang buhay sa dalaga habang kumakatok siya sa gate ng kanilang residential compound noong Biyernes ng gabi.

Batay sa narekober na cellphone ng biktima, dalawang­ beses pa siyang nakapag-text sa kanyang kapatid na pagbuksan siya ng gate, alas-11:41 at alas-11:47 ng gabi habang ang ikatlong text message ng biktima dakong alas-12:47 no­­ong Sabado ng umaga ay hindi na nai-send.

Habang kumakatok ang da­laga sa gate, ilang lalaki ang nakita ng saksi na umaaligid sa lugar na ngayon ay kabilang sa mga persons of interest.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with