Paghahanda sa pasukan Dormitories sa Quezon City, ininspeksyon
MANILA, Philippines - Pinasimulan na kahapon ng mga tauhan ng Quezon City Hall ang pagsusuri at inspection sa lahat ng student housing at dormitories sa Quezon City.
Ito ayon kay Garry Domingo, hepe ng business permit and licensing office (BPLO) sa QC Hall ay upang matiyak na ang mga may-ari ng naturang mga gusali ay may business permits at sumusunod sa mga safety regulations ng QC government.
Nais ding matiyak ni Domingo na mayroong fire safety inspection certificates at compliance sa provision ng National Building Code ang mga establishment owners tulad ng fire exits at maayos na daloy ng tubig, kuryente at sanitary facilities.
Bukod sa mga tauhan ng BPLO sa pangunguna ni Ronnie Miclat ay kasamang nag-inspeksiyon kahapon sina Senior Inspector Gilbert Valdez ng Fire Safety Enforcement ng Bureau of Fire-QC sa mga dormitory sa may Sunrise Hills Home sa kahabaan ng Xavierville at mga dormitoryo malapit sa UP Diliman, Miriam College, Ateneo at FEU.
Hindi lamang mga dormitory ang target ng mga nabanggit na suriin kundi mga room-for-rent at bedspace sa iba’t ibang lugar sa lungsod sa mga susunod na araw.
Wala namang nakitang mga paglabag sa batas ang mga sinuring establisimento kahapon.
Sa ngayon, may mahigit 60 registered dormitories sa QC tulad sa mga lugar na malapit sa mga unibersidad tulad sa barangay Krus na Ligas, Katipunan Avenue, Cubao district at sa boundary ng QC at Sta Mesa sa Maynila.
- Latest