Zoleta, Lagarde dinomina ang PPS Pinamalayan MVP netfest
MANILA, Philippines - Apat na titulo ang inangkin ni Gabrielle Zoleta, kasama ang dalawa sa doubles event, habang sumikwat si Klyde Lagarde ng tatlong korona para sa kanilang dominasyon sa Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala Pinamalayan leg regional age-group tournament sa Bahaghari Tennis Club sa Mindoro kahapon.
Tumipa si Zoleta ng 4-1 (ret.) panalo laban kay top seed Tracy Llamas para idagdag ang girls’ 18-and-under crown sa kanyang 14-U title na una niyang kinuha mula sa 6-1, 6-0 pagdomina kay Julia Ignacio.
Nakipagtambal naman ang Lucena City star kay Ignacio para talunin sina Dana Jalbay at Minette Huerra, 8-0 at angkinin ang 14-U doubles plum bago nakatuwang si Lila Salvacio sa paggupo sa top-seeded pair nina Llamas at Kiana de Asis, 8-5 sa 18-U finals.
Nabigo si Zoleta na maidagdag ang 16-U singles nang matalo kay De Asis 6-3, 6-2 sa semis.
Dinaig ni De Asis si Llamas, 4-6, 7-6 (2), 10-6 sa finals sa Group 2 tournament na pinamahalaan ni Pinamalayan, Mindoro Gov. Alfonso Umali Jr. katuwang si Butch Buenaventura.
- Latest