PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Editoryal - Motorcycle lanes

NOONG Lunes binuksan ang lane para sa mga nagmomotorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City at Macapagal Avenue sa Pasay City. Nasa 513 motorcycle riders ang nahuli sapagkat hindi alam na mayroon na palang lane sa tulad nilang motorcycle rider. Isasailalim sa seminar ang mga nahuli. Hindi kinumpiska ang kanilang lisensiya pero sa susunod na violations ay titiketan na ang mga magkakamali sa pagtahak sa lane. Ang dapat okupahin ng mga naka-motorsiklo sa Commonwealth Ave. ay ang 4th lane samantalang sa Macapagal Ave ay ang pinaka-unang lane sa kanan. Si MMDA Chairman Francis Tolentino ang mismong nangasiwa sa dry-run. Para namang pinagtiyap ng pagkakataon na dumalo si Tolentino na nakabenda ang braso, dahil daw natumba ang motorsiklo nito at inagapan niyang huwag bumagsak. Nililinis daw ni Tolentino ang kanyang motorsiklo nang maganap ang insidente. Tila magandang timing sa nilunsad na lane para sa motorsiklo.

Marami nang namatay at nasugatan dahil sa pagmomotorsiklo. At isinisisi ang mga aksidente sa kawalan umano ng motorcyle lanes. May nahahagip ng bus, nabubundol sa likuran at may sumisemplang dahil mayroong iniwasan. Kung mayroon daw sariling lane ang mga motorsiklo, maaaring mabawasan ang bilang ng mga naaaksidente at nasusugatan.

Maganda ang ideya ng MMDA Chairman. Marami nang namuno sa MMDA subalit ngayon lang nagkaroon ng motorcycle lane. Sa ibang bansa ay may sariling lane ang mga naka-bike at naka-motorsiklo kaya mababa ang aksidente sa kanila. Matagal nang may lane para sa motorcycle sa ibang bansa at ang Pilipinas ngayon pa lamang nagsisimula. Sabagay, mabuti na rin at nakahabol pa ang bansa at pinakikinabangan na rin sa wakas. Sana nga lang ay laging bantayan ng MMDA ang lane para naman hindi abusuhin ng ibang sasakyan.

Irekomenda rin ng MMDA ang pagsasaayos ng lane para sa nagmomotorsiklo. Kapag hindi maayos ang lane, maaaring sumemplang ang nagmomotorsiklo at maaksidente rin sila. Ipagbawal naman ang pag-aangkas ng bata sa motorsiklo. Hulihin din ang hindi gumagamit ng helmet. Hindi sana ningas-kugon ang  nilunsad ni Tolentino.

  • Follow Us: