PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Si GMA ang pipili ng bagong SC chief justice

Takot ang mga Pinoy dito sa US sa mga nangyayari sa Pilipinas. Hirap na hirap na nga ang kabuhayan ay nadadagdagan pa ng agam-agam dahil sa mga balitang may plano raw si GMA na manatili sa kanyang posisyon bilang presidente. Nariyan ang alternatibong plano na maging miyembro si GMA ng parliament bilang kinatawan ng isang distrito sa Pampanga at pagkatapos ay ihahalal siya bilang Speaker at siya ang magpapatakbo sa Pilipinas. Ito ay isa sa mga unang plano na usap-usapan na naman. Tingin ko ginugulo nila ang lahat sa pamamagitan ng paglalabas ng iba’t ibang balita tungkol sa hindi pag-alis ni GMA sa posisyon.

Bali-balita rin ang pagdedeklara ni GMA ng martial law. Ito raw ang dahilan bakit pinalitan na niya ang AFP Chief of Staff at mga iba pang mga matataas na opisyal. Ang bagay daw na ito ay nararamdaman ng mga sundalo mula sa itaas hanggang sa pinakamababa. Hindi maitatago na may mangyayaring kakaiba sa bansa.

Lalong gumugulo ang sitwasyon sa RP dahil sa balitang hindi na ipapaubaya ni GMA ang pagpili ng susunod na chief justice (CJ) sa susunod na presidente. Gusto raw ni GMA na siya na ang mag-aappoint ng bagong CJ ng Supreme Court (SC) na mababakante sa Mayo. May nagsasabi na nais ni GMA na siya ang pumili ng bagong CJ upang maprotektahan ang mga nagawang mali. Patuloy ang usap-usapan tungkol sa isyung ito. Ang mga miyembro ng legal profession, deans, mga pari at mga ordinaryong mamamayan ay hindi payag sa ganitong sistema.

Hindi maganda ang kinalalagyan ng iba pang miyembro ng SC na pumayag na si GMA ang pumili ng bagong CJ. Pakiwari ko, pinasukan na talaga ng pulitika ang SC.

  • Follow Us: