PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

INC dapat makipagdebate kay Bro. Eli Soriano

MUKHANG palala nang palala na ang away ng maimpluwensiyang Iglesia ni Cristo (INC) at ng spiritual leader ng Ang Dating Daan (ADD) na si Bro. Eli Soriano. Kahit anong pagtanggi pa ang gawin ng INC ni Ka Erdi Manalo, maliwanag na sila ang nasa likod ng sapin-sapin na kasong libelo na isinampa laban kay Soriano sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Dito halatang-halata na benggador ang INC. At ang ahensiya ng gobyerno na ginagamit nila para tapakan si Soriano ay ang National Bureau of Investigation na ang tawag sa ngayon ay National Bureau of Iglesia ni Cristo (NBINC) na. Aba, dapat mag-ingat si NBI Director Reynaldo Wycoco at pati siya ay nadadamay. Kung sabagay INC member din itong si Wycoco. Alam naman natin na masyadong nasasaktan itong INC ni Ka Erdi dahil sa samu’t saring expose ni Soriano.


Ang balitang nakarating sa akin, marami na raw sa mga followers ng INC ang lumipat sa bakuran ni Soriano. Aba hindi papayag si Ka Erdi niyan, di ba mga suki? Maraming beses na ring hinamon ni Soriano sa debate sa telebisyon itong taga-INC subalit umaayaw itong grupo ni Ka Erdi. Bakit kaya? Di ba itong INC din ang mahilig maghamon sa debate noon? Ba’t umaatras sila sa hamon ni Bro. Soriano? Masamang pangitain ito para sa taga-INC, di ba mga suki?


Sa pagka-alam ko itong INC din ang nasa likod ng kasong isinampa ng tabloid correspondent na si Elma Morales laban kay Soriano. Pero pilit na inilalayo ng INC ang kanilang sekta sa kaso ni Morales kahit maliwanag ang mga ebidensiyang kanilang iniwan. Tulad na lang sa ginanap na press conference sa Max Restaurant sa Circle, Quezon City noong nakaraang Miyerkules kung saan si Morales ay humarap sa media. Ayon kay Morales, hindi siya suportado ng INC. Nasa tabi ni Morales ang kanyang abogado na si Atty. Restituto Lazaro, na dating ministro ng INC at mula sa isang law firm na panay INC members lamang ang kaanib. Hindi ba ebidensiya ito?


Pero nang busisiing maigi, inamin ni Morales na INC nga itong si Lazaro na sinalubong naman ng masigabong na tawanan ng mga mediamen. At sa pagkaalam ng mga mediamen na dumalo sa pulong, ang INC din ang nagbayad ng kinain nila sa nasabing restaurant. Ano ba ’yan?


Kaya ko sinabing benggador itong INC ay dahil isang miyembro nila na si Dr. Nancy Pascua ay nagsampa rin ng kaso laban kay Soriano sa San Mateo, Rizal. Mukhang dinadaan ng INC sa pagsampa ng kaso para mabusalan itong si Soriano sa kanyang expose laban sa kanilang sekta. Nasasaktan na kaya ang INC sa pagbunganga nitong si Soriano? Tanong lang.


Kung ako ang tatanungin parang nakikinikinita ko na sa susunod na mga araw, itong si Soriano ay sa kalaboso ang babagsakan. Hindi biro ang impluwensiya ng INC, di ba mga suki? Dapat sigurong tanggapin na ng INC itong hamon na debate ni Soriano para matapos na ang sigalot na namamagitan sa kanila.

  • Follow Us: