La Salle nais bumalik sa liderato
MANILA, Philippines - Target ng nagdedepensang La Salle na makisosyo sa liderato sa pakikipagtipan sa University of Santo Tomas ngayong hapon sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Spikers at Tigresses sa alas-4 habang hangad ng Far Eastern University na makabalik sa karera sa Final Four sa pakikipagtuos sa University of the East sa alas-2.
Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang La Salle bitbit ang 9-2 baraha sa ilalim ng nangungunang Ateneo na may 10-2 marka.
Kung magwawagi ang Lady Spikers, awtomatikong masusungkit ng La Salle at Ateneo ang twice-to-beat incentives sa semis.
Ngunit daraan sa matinding pagsubok ang Lady Spikers dahil mataas ang inilalaro ng Tigresses sa kanilang huling mga laro.
Sasandalan ng La Salle si Season 78 Finals Most Valuable Player Kim Dy na siyang top scorer ng kanilang tropa habang inaasahang magbibigay ng solidong suporta sina middle blocker Mary Joy Baron, setter Kim Fajardo, open hitter Desiree Cheng at libero Dawn Macandili.
Mamanduhan naman ang Tigresses nina EJ Laure at Cherry Ann Rondina subalit kinakailangan nina Ria Meneses, Chloe Cortez, Dimdim Pacres at Alex Cabanos na maglatag ng mataas na laro laban sa Lady Spikers.
- Latest