^

True Confessions

Ang Magkapatid (24)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

“SINABI mo ba kay Ipe ang tungkol sa lalaking pabalik-balik, Ada?’’ tanong ni Karla na nag-aalala.

“Opo Ninang. Napansin na rin daw po ni Kuya ang lalaking iyon noong isang araw pero hindi lang pinansin. Akala po niya ay namamalengke lang.’’

‘‘Sana sinabi agad niya sa akin. Marami na ngayong guma­gawa ng masama. Malay natin may balak palang masama ang lalaking iyon.’’

“Dalawang beses lang daw po dumaan at pagkatapos ay hindi na niya nakita. Kaya po hindi siya kinutuban, Ninang.’’

“Mula ngayon, kapag may napansin kayong dalawa ni Ipe na kahina-hinalang tao na pabalik-balik at hindi naman bumibili, isumbong n’yo agad sa akin at nang nakukumpronta. Kung may masamang balak, mahuhuli agad siya. Maraming hahabol sa kanya rito.’’

“Opo, Ninang, isusumbong ko agad.’’

“Marami ngayong kidnaper ng bata. Di ba napapanood mo sa TV na mayroong dinudukot para gawing trabahador sa mga pabrika ng Intsik. Yung iba, binibenta raw sa mga pedophile. Kaya, alerto ka lagi Ada. Kung buhay ang mama mo, tiyak na hindi ka hahayaang nagtitinda rito. Pawang aral ang aatupagin mo. Maski ang kuya mo, baka hindi pagtindahin.’’

Napahinga nang malalim si Ada. Totoo ang sinabi ng kanyang Ninang Karla, kung buhay ang kanyang mama, wala siya rito sa palengke.

“Sige, Ada, aalis na ako. Mag-ingat ka. Gaya ng sabi ko, sumbong ka agad sa akin kapag may naobserbahan kang kahina-hinala.’’

“Opo Ninang, salamat po.’’

Umalis na si Karla. Habang naglalakad pabalik sa kanyang stall ay wala siyang maisip kung sino ang taong nagmamatyag kina Ipe at Ada. Sino naman ang magkakainteres sa magkapatid? Para ano at minamatyagan? Hindi niya naitanong kay Ada kung ano ang itsura ng lalaking pabalik-balik.

Naisip ni Karla, malalaman lamang niya ang lahat kapag muling nagpakita ang lalaki. Tiyak na magsusumbong agad sa kanya sina Ipe at Ada. At gagawin niya ang lahat para makumpronta ang lalaking iyon.                   (Itutuloy)

vuukle comment

ANG MAGKAPATID

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with