Sta. Lucia papalo sa PSL Superliga
MANILA, Philippines - Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik din ang Sta. Lucia Land, Inc. sa sports at sasali na rin sa Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference na magsisimula sa Marso 4 sa FilOil Flying V Center ng San Juan City.
Ang Realtors, na dating sumali sa Philippine Basketball Association (PBA) mula 1993 hanggang 2010, ay sasalihan ng mga sikat na manlalaro ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa pagmamando ni coach Michael Carino.
Ayon kay PSL president Ramon “Tats” Suzara, isa ang Realtors na pag-aari ni SLR Chief Exequel Robles sa malakas na koponan ng liga at kaya nitong bigyan ng magandang laban ang mga dati ng malalakas kagaya ng Petron, Cignal, Foton, Generika at ang baguhan ding Cocolife.
“Sta. Lucia is known for its fighting spirit and winning tradition when it was still involved in professional basketball,” ani Suzara, na isa ring opisyal ng Asian Volleyball Confederation at International Volleyball Federation.
“The team has already been assembled and we’re expecting it to hit the ground running,” dagdag pa ni Suzara.
Si Carino, na siyang naghatid sa College of Saint Benilde para sa titulo sa NCAA Finals noong nakaraang taon, ay isa ring magaling na mentor.
Ang mga dating Lady Blazers na sina Janine Navarro at Djanel Cheng ang mangunguna sa Realtors kasama sina Ranya Musa, Rachel Austero, Melanie Torres, Lourdes Clemente, Nacael Gual, Cindy Imbo, Dana Henson, Jonna Sabete, Rica Enclona, Rialen Sante at Shaira Umandal.
Nauna ng tinapik si Perpetual Help coach Sammy Acaylar bilang coach ng Realtors, ngunit umayaw ito dahil sa kanyang responsibilidad bilang head coach ng men’s national team at athletic director ng University of Perpetual Help.
“What we have is a young, but fighting team,” ayon kay Carino, na isa ring miyembro ng national team na sumali sa AVC Asian Men’s Club Championship sa Taipei noong 2015.
- Latest