^

PSN Opinyon

Kapalit

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

HABANG ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte ang malaking pera na natanggap mula sa China para sa pautang at puhunan, may ilang sektor ng lipunan na gustong ipasiyasat ng lahat ng ipinangakong iyan, partikular kung may mga kundisyon, nakalantad man o nakatago. Kung may mga natutuwa sa naging bunga ng biyahe ni Duterte, may mga nagtaas naman ng pag-iingat, pagsusuri at babala. Kung isa­salin natin ang isang kasabihang Ingles, “Walang libreng­ tanghalian”. 

At habang ipinagmamalaki ang bilyong dol­yar na pera, talagang isinantabi na lang ang isyu ng teritoryo. Sabi ni Pres. Rodrigo Duterte, huwag muna ngayon. Kailan pa? Kapag baon na sa utang ng loob ang Pilipinas sa China, na wala nang magagawa kundi ibigay o isuko na lang ang teritoryo? Ang tingin nga ng marami sa paghingi ng pahintulot o pakiusap sa China na payagang makabalik ang ating mga mangi­ngisda sa Panatag Shoal ay tila pagsuko na sa pag-aangkin ng nasabing teritoryo, na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone. Humina ang kaso ng Pilipinas, kahit nanalo na sa Permanent Court of Arbitration, sa paghingi ng pahintulot sa China. Para na ring sinabi na sa kanila nga ang lugar, kaya “nakikusap sana kami.” Ito na ba ang kapalit ng lahat ng pera?

Ang kailangang bantayan ay ang Ayungin Shoal, partikular ang BRP Sierra Madre na bina­bahayan ng ating mga Marines. Matagal nang pinanggigigilan ng China na tanggalin ang kina­kalawang na barko. Sadyang isinadsad ng Phi­lippine Navy sa Ayungin Shoal para angkinin ang nasabing lugar. Paano kung basta na lang hatakin ang barko? Dito na lang ba papalag ang Pilipinas, kung kailan gusto na ni Duterte na hiwalayan na ang US?

Masyado pang maaga para matuwa sa na­ging bunga umano ng biyahe ni Duterte sa China. Mabuti sana kung walang mga problema, mga isyu ang dalawang bansa. Malusog ang kasaysayan ng korapsyon ng gobyerno at ilang kumpanya sa China. Naaalala ba ang ZTE, ang Northrail? Panay naman ang puri ni Duterte sa China at Russia, dahil hindi daw sila nakialam sa kampanya niya sa iligal na droga. Pero ang China at Russia ay ang dalawang bansa na hindi­ rin maganda ang rekord pagdating sa karapatang pantao. Kaya baka ganun na rin ang tingin ng buong mundo sa atin. Kaya siguro nasabi ni Duterte na China, Russia at Pilipinas kontra sa buong mundo. Hindi ko masabi kung inangat niya ang Pilipinas sa label ng dalawang higanteng bansa, o hinatak niya pababa ang dalawa sa lebel ng Pilipinas.

vuukle comment

KORINA SANCHEZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with