PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Naiipit sa nag-uumpugang bato

Dear Dr. Love,

Maayos ang lahat sa aking buhay may asawa. Pero nang magdalang-tao ang aking asawa sa ikalawang pagkakataon naiipit ako sa nag-uumpugang bato.

Sa unang buwan palang nang pagbubuntis ng misis ko ay nalaman na naming kambal ang nasa sinapupunan niya. Kaya naman laking tuwa ko, pero habang nagtatagal ay nahihirapan ako. Dahil nakikita ko na nahihirapan ang asawa ko sa kanyang paglilihi.

Madalas ay maraming masakit sa katawan niya, kaya naman halos ayaw niya akong paalisin at kung minsan gusto niya na nasa tabi lang niya ako.

Tuloy kung hindi ako late ay napapadalas din ang pag-absent ko sa trabaho. Bagaman sa aming­ pa­milya ang negosyo, kailangan bilang tagapamahala ay araw-araw pa rin akong pumapasok para ma-mo­nitor ng mabuti ang operasyon.

Minsan ay nagkaroon ng problema, umatras ang aming kliyente dahil nade-delay ang pagde-deliver ng materyales. Nakarating ito sa aking ama na siyang namumuhunan sa negosyo ay agad akong pinag-report. Inusisa niya ang lahat hanggang sa dahilan nang madalas na pagka-late at pag-absent ko.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Humantong ito sa pagsasalita niya ng hindi maganda sa aking misis. Dahil nag-iinarte lang daw ito sa kanyang paglilihi. Inalok siyang sa bahay ng mga magulang ko muna tumira pero pinili niyang umuwi muna sa kanyang nanay para siyang mag-alaga sa kanya.

Ayaw ko po na magtagal ang ganitong sitwasyon sa aming pamilya. Alam kong dala lang nang pagkadismaya at pagkabahala kung kaya nakapagsa­lita ang aking ama, habang ang pagseselan naman ng asawa ko ay hindi niya rin kagustuhan.

Sa mga nangyayari, hindi ko po malaman kung paano ko hahatiin ang aking katawan para parehong magampanan ang posisyon sa aming negosyo at pagiging asawa nang nagdadalantao kong misis, na kambal pa naman ang dinadala. Payuhan po ninyo ako kung paano ang dapat kong gawin.

Gumagalang,

Jojo

Dear Jojo,

Kung walang maaaring humalili sa’yo pansaman­tala habang nasa kaselanan ang iyong asawa, ma­rahil pinakamainam na imbitahan mo sa inyong bahay ang iyong biyenan para siyang tumingin at umalalayan sa iyong asawa. Nang sa gayon ay hindi na niya kailangan bumiyahe pa.

Sa ganitong hakbang ay mapapanatag ka na hindi mapapano ang iyong asawa at makakapag-pokus ka nang mabuti sa iyong trabaho. Kung posible, kumbinsihin mo ang iyong ama na humi­ngi ng paumanhin sa iyong misis para hindi na tumindi ang pagdaramdam niya.

Dr. Love 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: