PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Huwag pansinin ang tsismis

Dear Dr. Love,

Biyuda na po ako at solong binabalikat ang pangangailangan ng aming pamilya, lalo na ang edukasyon ng dalawa kong anak na kapwa nasa kolehiyo na.

Sa lahat ng posibleng paraan ay nagsisikap akong sinupin ang naiwang maliit na savings ng aking namayapang mister at unti-unti ay iniraraos ang mga bayarin sa naging hospitalisasyon niya hanggang sa siya ay mailibing.

Bagaman may sarili rin akong hanap-buhay ay hindi ko pa rin magawang maging kampante sa pangamba na kapag kami ay kinapos, paano na ang aking mga anak na mahigpit na ipinagbilin ng aking mister.

Ang problema ko po ay ang panlilibak sa akin ng aking in-laws. Nasanay kasi sila sa galanteng pagbibigay ng aking asawa at kahit gaano ko ipaliwanag sa kanila na mag-isa na lang akong naghahanapbuhay ngayon ay sarado ang isip nila.

Dr. Love, sa totoo lang ang malaking bahagi ng kita ng mister ko noong siya ay malakas pa ay napunta na sa kanila. Pero iba na po ang sitwasyon ngayon at hindi ko balak na ipasa sa mga anak ko ang mga nabinbing bayarin ng aking asawa.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Ang gusto po nilang mangyari ay gaya pa rin nang dati ang tatanggapin nila at sa bawat kibot na kailangan nila ay dapat akong magbigay. Palibhasa’y kahit kapritso ay sa mister ko pa rin nila iniaasa. Gaya ng pagmimintena ng secondhand na sasakyan.

Nakakasama po ng loob na kung sino pa ang dapat na makaunawa sa akin ay siya pang pinagmumulan ng tsismis na wala raw akong kwentang manugang.

Payuhan mo po ako kung dapat ko pang harapin ang biyanan ko at mga bayaw at hipag para sumbatan sila sa walang basehang tsismis?

Maraming salamat po Dr. Love at more power.

Gumagalang,

Miriam

Dear Miriam,

Para sa akin, ang tsismis ay hindi dapat pag-aksayahan ng lakas at oras. Kaya hayaan mo na lang sila sa gusto nila at manatili kayong mamuhay nang tahimik na mag-iina. Pasasaan ba at mananawa rin sila sa pagsasalita ng laban sa’yo at marahil sa panahong iyon ay napagtagumpayan mo nang mapagtapos ang iyong mga anak.

At kapag lumapit sila sa inyo, manatili kang mapagpakumba at mag-abot nang ayon sa iyong makakaya.

DR. LOVE 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: