PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Hindi pa handang maging ama

Dear Dr. Love,

Mayroon nang dalawang taon ang pagli-live in namin ng boyfriend ko at ang kasunduan namin ay hindi muna kami magbe-baby hanggang sa kapwa maging permanente sa pinapasukang upisina.

Kaya effort kung effort ako sa pagpapatingin sa health center para tiyakin na magagawa ko ang lahat ng pag-iingat para wala munang mabuo sa pagmamahalan namin ni Edgar.

Pero kahit gaano pala ang pag-iingat, ang minsang mintis sa pag-inom ng pills ay naging lamat sa pagsasama namin. Nang ipaalam ko kay Edgar na buntis ako, nagalit siya, gusto niyang ipalaglag ko ang sanggol, na mariin kong tinutulan.

Kinabukasan, sulat na lang ang nakita ko sa aming higaan. Iniwan na niya ako at ang magiging baby namin dahil hindi pa raw siya handang maging ama.

Mabilis na lumipas ang mga taon, magki-kinder garten na ang aming anak at siya namang pagsulpot ni Edgar sa buhay naming mag-ina. Gusto niyang bumalik at bibigyan daw niya ng pangalan ang aming anak.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Pero noon pa ako nakatiyak na hindi na kailangan. Dahil kaya kong itaguyod si Angelica. Sinabi ko sa kanya na huli na ang lahat.

Maraming salamat po at more power po sa inyo.

Gumagalang,

Georgina 

Dear Georgina,

Hindi kita masisisi kung sarado na ang puso mo sa pagbabalik ng iyong nang-iwan na boyfriend. Pero darating ang araw na magha­hanap ng ama ng inyong anak, bagay na huwag mo sanang ipagkait sa kanya. Dalangin ko na maging mabuti ang lahat sa inyong mag-ina at nawa’y matagpuan mo ang pagpapatawad para sa ama ng iyong anak.

Dr. Love

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: