PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Tulong ng private hospitals hiningi na ng DOH vs 'lepto'

MANILA, Philippines - Hiningi na ng Department of Health (DOH) ang tulong ng mga pribadong ospital sa bansa dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng leptospirosis sa Metro Manila at mga ka­ratig lalawigan.

Ito ay matapos na lu­magda sa isang kasun­duan ang DOH at mga pribadong ospital kabilang dito ang St. Lukes Medical Center, Delos Santos-STI Medical Center, Cardinal Santos Medical Center, Fe del Mundo Childrens Medical Center Foundation, Dr. Jesus Delgado Memorial Hospital, Chinese General Hospital at Our Lady of Lourdes Hospital.

Nilinaw ni Health Sec. Francisco Duque III na sa ilalim ng kasunduan, mag­lalaan ang DOH ng P5,000 subsidy para sa mga uncomplicated patients at leptospirosis na dadalhin sa mga naturang pagamutan.

Para naman sa mga pasyente na kumplikado na ang kondisyon, magla­laan ng P20,000 subsidy ang pamahalaan at kung sosobra sa inilaang tulong ng gobyerno ang maga­gastos ng mga pasyente ay sasagutin na ito ng mga pribadong ospital.

Pinayuhan naman ng kalihim ang mga pasyente na huwag dumirekta sa mga naturang pribadong ospital upang maka- avail ng treatment package dahil mayroong referral system na gagamitin ang mga government hospitals.

Inirekomenda na rin ng DOH na ipabomba ang mga putik sa Bureau of Fire Protection gamit ang tubig na galing sa dagat dahil mabisa umano itong pama­tay sa bacteria na nagda­dala ng leptospirosis. Kung fresh water aniya ay mabu­buhay pa ang bacteria kum­para sa tubig-alat. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: