Solon sa publiko: Panoorin ng buo at ‘wag pipikit sa impeachment trial
MANILA, Philippines — “Huwag ipikit ng milyon milyong mga Pinoy ang kanilang mga mata at panoorin ang livestreaming ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na sisimulan ngayong araw.
Ito ang inihayag ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union dahilan mahalaga aniya na maintindihan ng lahat ng mga kaganapan sa proseso ng paglilitis at masaksihan ang paglalahad ng mga ebidensya.
Aniya sa halip na umasa sa mga viral clips, social media posts at maging sa mga komentaryo na may pinapanigan ay mas makabubuting panoorin na lamang ng mga tao ang impeachment trial.
Sinabi ni Ortega na ang impeachment trial ni VP Sara ay isa sa pinakamahalagang konstitusyonal na proseso na nangangailangan ng atensiyon ng bawat Pilipino dahilan ang kalalabasan ng resulta nito ay magiging bahagi ng demokratikong kasaysayan ng bansa.
Sinabi ni Ortega na kung manonood lamang sa social media ang mga Pinoy ay marami aniyang fake news, pinuputol at binabago ang naratibo ng kaganapan sa mga online content at kung live itong panonoorin ay mas detalyado ang impormasyon at kaalaman sa trial.
“Panoorin ninyo nang live. Huwag nating ipaubaya sa clickbait, edited videos, o algorithm ang paghubog ng ating opinyon,” wika pa ng solon.
- Latest
















