Dioscora (148)

Nang banggitin ni Tatay SP ang pangalang “Nicodemus” ay nakaramdam ng kaba si JC. Hindi niya alam kung bakit. Basta may hatid na kaba sa kanya ang pangalan. O baka na­man, masyado lang siyang excited sa kuwento ni Tatay SP. Mukhang maganda at kapana-panabik ang ku­wento ukol sa anak nito. Una nang sinabi ni Tatay SP na marami siyang pa­ngarap sa kanyang anak pero nasayang lang daw. At isa pang sinabi ni Tatay SP, may pagkakahawig daw ang kanyang anak kay JC. Iyon marahil ang dahilan kaya kinabahan si JC. Kaya gusto niyang malaman nang buung-buo ang kuwento ng anak ni Tatay SP na si Nicodemus.

“Guwapo ang anak kong si Nicodemus—tulad mo Jose Crisanto—hindi kayo nagkakalayo. Matalino rin siya. Talagang nakita ko ang itsura­ niya sa itsura mo.’’

“Baka po mas guwapo siya at mas matalino, Tatay SP.’’

“Palagay ko parehas lang kayo, ha-ha-ha!’’

“May pinagmanahan po kasi si Nicodemus—ikaw po.’’

Nagtawa lamang ang ma­t­anda.

“Sa iyo ko lamang naikukuwento ang mga nang­yari sa anak kong si Nico­demus dahil magaan ang pakiramdam ko sa’yo— siguro nga’y dahil na­kita ko sa’yo ang anyo ng aking anak. Sa totoo lang, parang pakiramdam ko e ikaw ang anak ko.’’
Napangiti si JC pero nababalutan ng pagtataka.

“Ang alaala ni Nicodemus ay nagba­balik dahil sa iyo, JC.’’

Ang pinipigil ni JC na tanong ay hindi na niya itinago.

“Tatay SP, nasaan po ba si Nicodemus?’’

“Patay na siya!’’

(Itutuloy)

Show comments