Dioscora (146)

NAGPATULOY si Tatay SP sa pag­ku­kuwento kay JC ukol sa anak nito. Ser­yosong-seryoso ang matanda sa paglalahad na para bang matagal na niyang kakilala si JC. Hindi naman makapaniwala si JC na kaluluguran siya ng ganoon ni Tatay SP na pinunta­han pa siya sa sariling opisina. Pakiramdam ni JC na naghahanap ng taong pagkukuwentuhan si Tatay SP—at siya ang napili nito.

“Marami talaga akong pangarap sa anak ko, Jose Crisanto pero hindi natupad. Nawalan ng saysay ang aking mga pagsisikap. Sayang ta­laga…’’ sabi ni Tatay SP at huminto na para bang nagtitipon ng alaala mula sa anak.

Si JC naman ay walang kakibu-kibo at nakatingin lamang sa matanda. Kagalang-galang ang matanda sa suot na Barong Tagalog. Bagay na bagay dito ang suot.

Patuloy na nakinig si JC sa pagkukuwento ng matanda. Gusto niyang marinig ang buong kuwento. Nagiging ka­pana-panabik ang binuksang kuwento ni Tatay SP.

“Nagtataka ka siguro Jose Crisanto kung bakit ako nagkukuwento ako sa iyo ng ganito. Kailan lang tayo nagka­kilala di ba? Ako ay ma­daling makalugod sa isang tao—unang pagkakita ko pa lamang sa’yo e nagkaroon na ako nang pagkagiliw sa’yo. Para bang nakita ko ang itsura at ugali ng aking anak sa’yo. Totoo. At katulad mo, topnotcher din siya sa ME. Parang ikaw at ang anak ko ay iisa.’’

Tumigil na naman si Tatay SP sa pagsasalita.

Si JC naman ay lalong nananabik sa binuksang kuwento ni Tatay SP. Nakikita pala ni Tatay SP ang sariling anak sa itsura ni JC. Ano kayang pangalan ng anak ni Tatay SP? At bakit siya kinakabahan?

Itutuloy

Show comments