San Beda dale ang No. 1 spot sa semis
MANILA, Philippines — Sinelyuhan ng Marinerong Pilipino-San Beda ang No. 1 seed at awtomatikong tiket sa semifinals matapos ipagpag ang Centro Escolar U, 81-72, sa 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Naglustay muna ng 17-puntos na bentahe ang Red Lions bago makabawi sa dulo tampok ang 9-1 ratsada sa huling limang minuto upang mailista ang ikalimang sunod na tagumpay.
Nagtapos sa 5-1 kartada ang Marinero-San Beda at sigurado na sa tuktok kahit pa manalo din ang reigning champion EcoOil-La Salle (4-1) sa huling laban nito kontra sa Wangs-Letran bukas.
Tinalo ng Red Lions ang Green Archers, 82-79, sa kanilang duwelo sa elims.
“The incentive of being No. 1 and being in the semis is of course a welcome for us but at the same time, hindi kami pwede mag-relax. Tataas ‘yung laro sa playoffs so we have to be prepared,” ani Yuri Escueta.
Bumandera sa Red Lions si Jacob Cortez na may 15 puntos, 5 rebounds, 4 assists at 3 steals habang may tig-11 din sina Peter Alfaro at Yukien Andrada.
Matapos malusaw ang 36-19 abante sa first half, lamang lang bahagya ang Red Lions sa crunch time, 72-71, bago limitahan ng Scorpions sa isang puntos na lang tungo sa tagumpay.
Napurnada ang 25 puntos ni Ron Rei Tolentino para sa CEU, na nahulog sa 3-3 kartada pero pasok pa rin sa quarterfinals.
- Latest