Tres Queridas (33)
“WALANG aksidente sa pagkakapili niya sa ating tatlo. Kaya tatanungin ko kayo ulit... ano ang trabaho ng mga tatay n’yo noon?”
Kumunot ang noo ni Diana, gulung-gulo sa pang-i-interogate ni Celeste. “Si Papa? Isa siyang auditor. Gumagawa siya ng accounting audit para sa mga shipping lines sa San Ildefonso noong bata pa ako.”
Mabilis na lumingon si Celeste sa nanginginig na buntis. “At ang tatay mo, Lani?”
Napalunok si Lani, pilit na inaalala ang kuwento ng kanyang kabataan. “Bago mamatay si Tatay, Maritime inspector siya noon. Ang sabi nito kay Mama bago siya nawala, siya raw ang nag-i-inspect ng mga barko sa isang lumang daungan... sa Monteluz Port sa San Ildefonso.”
Para bang biglang nahigop ang hangin sa deck ng ferry. Nanlamig ang buong katawan ni Celeste. “Monteluz Port,” mahina niyang bulong, tila kinikilabutan sa sariling boses. “Doon itinayo ni Daddy ang Vergara Shipping.”
Nanlaki ang mga mata ni Diana nang tuluyang magkrus ang kanilang mga nakaraan. “Doon... doon din madalas ipadala si Papa noon para mag-audit ng mga papeles ng barko.”
Hindi na nagsalita si Celeste. Kinuha niya muli ang kanyang tablet mula sa loob ng bag at mabilis na nag-swipe sa screen. Ibinaba niya ito sa maliit na mesa sa pagitan nilang tatlo. Isang naka-scan na lumang diyaryo ang bumungad sa kanila.
“Ang MV Duchess Talia ay pag-aari ng pamilya namin,” basag ang boses na paliwanag ni Celeste. “Pero alam n’yo ba kung sino ang sinisi sa trahedyang iyon? Ang namatay na kapitan ng barko. Si Captain Tolentino. Ang ama ni Carlo. Hindi lang basta shipwreck survivor at ulila si Carlo, nasira rin ang pangalan ng ama niya”
Napatakip ng bibig si Diana, halos mabilaukan sa sariling hininga nang tuluyang mabuo ang nakakakilabot na palaisipan ng kanyang mister.
(Itutuloy)
- Latest















