Dalaga, nasagip ng NBI sa mapang-abusong lover via Facebook

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Alaminos District Office (NBI-ALDO) ang isang da­laga mula sa umano’y mapang-abusong live-in partner nang humingi ng tulong sa opisyal na Facebook page nito noong November 18, 2026.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Sabel” na nagsumbong sa pamamagitan ng private message na sinaktan umano siya at ikinulong nang labag sa kanyang kalooban ng kina­kasamang si “Kiko” sa loob ng isang bar sa Alaminos City.

Nagpadala rin siya ng mga litrato ng kanyang mga sugat at humiling ng agarang tulong medikal.

Agad namang kumilos ang NBI-ALDO matapos ma­tanggap ang sumbong at nagsagawa ng operasyon katuwang ang Alaminos City Social Welfare and Development Office (CSWDO), upang matunton at mailigtas ang dalaga.

Naaresto si Kiko at nahaharap sa reklamong paglabag umano sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 at isinailalim sa inquest proceedings sa City Prosecutor sa Alaminos City.

Show comments