Angeline, naisanla ang bahay nila!

Isa sa mga paboritong balik-balikan ni Angeline Quinto ay ang kuwento ng pagbabago sa kanyang buhay matapos magwagi sa Star Power.
Ngunit para sa kanya, ang tagumpay na ito ay hindi nasusukat sa kasikatan. Ito ay tungkol sa pagliligtas sa buhay ng kanyang ina at sa kanilang tahanan na noon ay nanganganib mawala.
Binalikan ni Angeline ang panahon bago ang kanyang pagkapanalo nang kailanganin ng kanyang Mama Bob ng heart surgery at nakataya ang kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila. Ibinahagi niya na halos bitawan na niya ang kumpetisyon, ngunit nagpatuloy siya alang-alang sa kanyang ina na nangangailangan ng permanent pacemaker.
“Isa ‘yan sa lagi kong shini-share nang paulit-ulit sa mga kakilala ko. Ang hindi ko pagsasawaang ikuwento, siguro, ‘yung time na bago po ako manalo ng Star Power, dahil ‘yan ‘yung mga panahon na muntik na po akong mag-quit doon sa contest. Dahil kailangan po talagang operahan ang Mama Bob sa puso at lagyan ng permanent pacemaker, at wala po akong pambayad sa ospital.”
Kabilang sa mga bagay na kanyang tinalikuran noon ay ang tahanan na kanyang kinalakihan. Ayon kay Angeline, upang makalikom ng pondo para sa operasyon, kinailangan nilang isanla ang kanilang pag-aari sa Sampaloc.
“So kinailangan kong isangla ang lupa at bahay namin sa Sampaloc, Manila, kung saan ako lumaki at kung saan kami nakatira ng Mama ko.”
Kahit na handa na siyang umatras sa kumpetisyon, sabi ni Angeline, naniniwala siyang may mga taong ipinadala para palakasin ang loob niya at ipagpatuloy ang laban.
“At siguro may mga tao talagang ginamit si Lord para kumbinsihin ako na ‘wag iwanan ang Star Power at magpatuloy. Kaya siguro hindi rin ako nawalan ng pag-asa na ‘wag iwanan talaga ‘yung Star Power.”
Sinabi pa ni Angeline na ang kanyang pagkapanalo ang naging daan upang mabayaran ang lahat ng kanilang pagkakautang, ang mga doktor na nagsagawa ng operasyon sa kanyang ina, at upang mabawi ang kanilang tahanan naisanla.
“After three months from November 2010, nanalo po ako ng Star Power ng February 2011. Nabayaran ko lahat ‘yung mga ginamit ko po na pinangsangla ng lupa’t bahay namin sa Sampaloc, Manila, at lahat ng doktor na nag-opera sa Mama Bob ko. At nabigyan ng pangalawang buhay ang Mama.
“At kasabay nung taon na ‘yun, doon na po ako nag-start na magkaroon ng napakaraming trabaho at oportunidad.
“Naging regular po ako ng ASAP, nagkaroon ng mga shows abroad, at doon na rin nag-umpisa na mabigyan ko ng maayos at magandang buhay ang mama ko.”
May message rin si Angeline sa mga feeling hopeless na. Sabi niya, sobrang grateful siya na ngayon masaya na siya sa buhay at nakaka-inspire pa siya sa iba through music at sa story niya. Nangyari lahat ‘yon kasi hindi siya sumuko sa pangarap.
“So kaya alam mo ‘yun, lagi kong sinasabi sa mga tao na kapag dumadaan ka talaga sa buhay mo na akala mo wala nang pag-asa, akala mo wala na tayong magagawa sa problemang pinagdadaanan natin ngayon, na ang magiging sagot na lang ay mag-give up, parang sana mas isipin natin na sinusubok lang talaga tayo ng panahon at ng Panginoon kung hanggang saan tayo magiging matibay.”
Magaganap ang 15th anniversary concert ni Angeline on Aug. 22 at the Smart Araneta Coliseum.
- Latest





















