Will, hindi na kinakabahan

Magkahalong emosyon ang nararamdaman ni Will Ashley dahil magbibida sa Delivery Boi na isang comedy series. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makagagawa ang aktor ng isang proyekto na komedya ang tema.
Masaya rin si Will dahil makapagbibida na sa kauna-unahang pagkakataon. “Ever since, parang puro drama lang talaga. Drama, drama, drama lang talaga ‘yung ginagawa ko. Ngayon lang ako gagawa ng parang full-time comedy. Tawaserye kung tawagin,” pagbabahagi ni Will sa 24 Oras.
Kamakailan ay nasungkit ng binata ang Best Supporting Actor award mula sa The 9th Eddys o Entertainment Editors’ Choice Awards para sa kanyang natatanging pagganap sa Bar Boys: After School. Naka-tie ni Will si Rico Blanco sa naturang parangal para naman sa pelikulang Manila’s Finest. Labis ang pasasalamat ni Will sa pamunuan ng Eddys ng Society of Entertainment Editors o SPEEd at lahat ng mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa kanyang ginagawa. “Maraming salamat po sa lahat ng nagmamahal at sumusuporta din sa akin. And to my GMA family, thank you so much po. Mabuhay ang pelikulang Pilipino. Super happy po ako na nai-share ko po with Sir Rico ‘yung award,” mensahe ng Kapuso actor.
Hindi na raw nakararamdam ng pressure ngayon si Will sa tuwing gumagawa ng isang proyekto. Kabilang ang binata sa pelikulang Amir mula sa GMA Pictures na isa sa mga opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2026.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatrabaho ni Will si Dennis Trillo. “Super excited po ako. Kasi it’s my first time working with him. And sobrang na-enjoy ko rin po talaga. Sa ganito pong pagkakataon mas nakaka-inspire pa to do better sa craft ko. Wala naman na pong kaba, it is what it is. Kumbaga go with the flow,” nakangiting pagtatapos ng binata.
Sanya, may inalala sa ginawa nila ni Gabby
Muling mapapanood sa GMA ang First Yaya na pinagbidahan noon nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion. Unang napanood sa Kapuso network ang serye mahigit limang taon na ang nakalilipas. Masayang-masaya si Sanya dahil sa muling pagpapalabas ng kanyang programa sa GMA Primetime block at sa GTV ngayon.
Masayang inalala ng dalaga ang kanilang trabaho noon para sa serye habang kasagsagan ng pandemya sa bansa. Isang pamilya umano ang nabuo sa kanilang buong grupo lalo na kapag walang eksenang ginagawa noon. “Like doing TikToks together, maraming mga food trip, at siyempre ‘yung mga bonding namin no’ng lock-in (taping). Marami kaming ginawa na nabuo ‘yung samahan namin, ‘yung relationship namin,” pagbabalik-tanaw ng Kapuso actress. (Reports from JCC)
- Latest




















