Dennis umamin din sa wakas!
Mabuti naman at nagpaka-maginoo si Dennis Trillo at inamin din ang relasyon nila ni Jennylyn Mercado. Wala sa babae ang pag-amin sa isang relasyon dahil mabilis ‘yun na maitatanggi ng lalaki. Hindi nakapagtataka kung palaging non-committal si Jennylyn tungkol sa relasyon niya sa kanyang kapareha sa Gumapang Ka Sa Lusak, ang serye ng GMA 7 na pinagtatambalan nila at kung saan nagsimula ang kanilang romansa.
Bagaman at hindi niya direktang inamin na sila na nga ni Jennylyn, hindi rin naman ito itinanggi ni Dennis sa isang interview. Sinabi niyang ang ikinagugusto niya sa aktres ay ang pagiging malambing nito at maalaga sa kanya.
Tungkol naman sa video jock na diumano’y sumama ang loob nang malaman ang relasyon nila, sinabi ni Dennis na wala siya sa katayuan para mag-komento tungkol dito pero sinabi niya na alam niyang bahagi na ito ng nakaraan ni Jennylyn.
Ayun na!
* * *
Dobleng kalungkutan ang alam kong madarama ni Richard Gomez kung pati ang asawa niyang si Lucy Torres-Gomez ay hindi payagan ng Comelec na pumalit sa kanya bilang congressional candidate sa Ormoc. Hindi pinayagang tumakbo si Richard dahil kuwestiyonable raw ang pagiging residente niya ng nasabing lugar. Mas matagal daw silang naninirahan sa Maynila kaysa sa probinsiya ni Lucy.
Bagaman at may agam-agam, pumayag na rin si Lucy na humalili sa kandidatura ng asawa pero hanggang sa sinusulat ito ay may problema pa rin sa paghalili niya sa asawa dahil hindi pa raw opisyal na kandidato si Richard para kumuha ng kapalit niya. Pero kung sakaling tatakbo nga siya, mas mahihirapan sa kanya ang kalaban dahil mas kilala at mas sikat siya sa probinsiya niya kesa kay Richard.
Ewan kung ano ang magiging katapusan ng problemang ito. Hintayin na lamang natin ang resulta nito dahil apat na araw na lamang at eleksiyon na. Kailangang madesisyunan ito bago mag-eleksiyon.
* * *
Doble ang selebrasyon para sa League of Intrigues na binubuo ng pinagsanib-puwersa ng undisputed showbiz authority - Startalk at Showbiz Central. Tunay na bida ang dalawa sa hapon dahil sa pagkamit nito nang mataas na ratings.
Hindi lang basta nanatili ang Startalk ng 14 taon sa ere bagkus patuloy ito sa pag-usbong. Bukod sa pagbalita ng pinakamainit na showbiz scoops, malayang naibibigay ng mga hosts (Ricky Lo, Butch Francisco, Lolit Solis, at Joey de Leon) ang kanilang buong talento at kaabang-abang na mga komento. At ngayong nag-level up ang Startalk sa Startalk TX, ang Fab Four at ang buong team ay Three Times agresibo sa paghatid ng pinakamainit na showbiz news, Three Times matapang sa pagbabato ng opinyon, at Three Times handa sa paghatid ng balita.
* * *
Inendorso ng Citizen’s Coalition party ang kandidatura ni Imelda Papin sa pagka-senador ng partidong Bangon Pilipinas.
Isa sa nine (9) immediate programs ng dating jukebox queen ay ang pagbibigay ng additional benefits sa mga senior citizen, P20,000 pagtuntong ng edad 60, P30,000 kapag 70 taon na at P50,000 sa mga may edad 80.
- Latest


























