Pormal Na Problema
Sinampahan ng kasong libelo ni dating Caloocan City Mayor Rey Malonzo ang businesswoman na si Cristina Decena, nag-ugat ang kuwento sa mga naging pahayag noon ng negosyante na pinagbantaan itong ipapatay ng aktor-pulitiko, agad namang pinabulaanan ni dating Mayor Rey Malonzo ang mga akusasyon ni Cristina.
Kung matatandaan ay sabay na naging panauhin nang live sina Cristina at dating Mayor Malonzo sa Showbiz Mismo sa DZMM, nagkaroon sila ng komprontasyon, harap-harapan silang nagkapalitan nang maaanghang na salita.
Sa pinakahuling panayam namin sa aktor-pulitiko ay sinabi niya na kailangan niyang idepensa ang kanyang sarili sa mga ipinagkakalat na kuwento ni Cristina, pati ang kanyang misis ay nagsampa rin ng kasong estafa laban kay Cristina, dahil kahit kanino na lang daw ipinagsasabi nito na meron silang utang sa negosyante samantalang wala naman.
“Kailangang malinawan na kung sino ang nagsasabi ng katotohanan at nag-iimbento lang ng mga kuwento, ayoko na ng siraan, ayokong patulan ang mga pinagsasasabi niya sa kung sino-sino.
“Gagawin ko na lang pormal ang problema namin, sa korte ako nagsumbong, kaya dun na lang din siya dumepensa at magpaliwanag,” madiing pahayag ni dating Mayor Rey Malonzo.
Natawa lang siya sa tanong na bakit ganun, palagi na lang nakakademandahan ni Cristina ang mga artistang nakakarelasyon nito, nasaan ba ang problema at ganun ang kinauuwian ng lahat?
Natawa lang ang aktor-pulitiko, “Basta ako, kailangan kong linawin ang panig ko, hindi ko basta-basta mapababayaan ang kahit sino na magbato ng akusasyon laban sa akin, lalabanan ko ito.
“Yung kay Phillip Salvador, malilinawan din yun kapag nagsimula na ang hearing namin, malalaman dun kung sino sa kanila ang nagsasabi ng katotohanan,” makahulugan pang pahayag ng aktor-pulitiko.
* * *
Wala nang gaanong pumapasok na trabaho ngayon kay Gabby Concepcion, ang seryeng Iisa Pa Lamang na lang ang pinagkakaabalahan niya, saka ang ilang shows na nai-book na bago sila nagkaroon ng problema ng kanyang manager na si Mommy Rose Flaminiano.
Walang puwedeng tanggaping trabaho-raket si Gabby nang hindi muna dumadaan sa kanyang manager, ‘yun ang malinaw na nakasaad sa kanilang kontrata, kailangang may basbas muna ng kanyang manager ang trabaho bago niya yun tanggapin.
Maraming prodyuser ang kinakabahan ngayon kung sisiputin ba ni Gabby ang matagal na nilang naisaradong show, nakakatensiyon daw kasi, dahil baka kahit pirmado na ng aktor at ng kanyang manager ang kontrata ay hindi niya naman yun puntahan.
In fairness kay Gabby, yung dalawang shows na nai-book na ng aming anak sa kanila ng kanyang manager bago pa sila nagkaroon ng alitan ni Mommy Rose ay sinipot ni Gabby, nakaburol pa noon ang kanyang ama pero dumating si Gabby sa lugar sa takdang oras.
Yung guesting niya sa concert ng baguhang singer na si Christine Love sa Music Museum ay pinuntahan din niya, meron pa siyang isang booking para sa aming anak na gaganapin pa lang sa October 24 sa Metro Bar, yun ang concert ng Side A Band at Juan Pablo Dream kung saan siya ang special guest.
Hindi natetensiyon ang aming anak, alam nito na darating si Gabby sa concert, dahil kahit pa nakaburol noon ang kanyang daddy ay nagpakapropesyonal si Gabby.
Tungkol sa iba pa niyang kompromiso ay wala na kaming alam, pero siguro nama’y tutuparin din ni Gabby ang kanyang mga sinagutang shows, meron nang downpayment sa kanya ang mga prodyuser kaya dapat lang niyang tugunan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagkikita ni Mommy Rose Flaminiano, tuloy ang pagdinig sa kasong isinampa nito laban sa kanya, pero gaano katotoo ang impormasyong nakarating sa amin na meron pang nakaambang kasong criminal sa kanya ang prodyuser?
Kung saan nag-ugat ang asunto ay malalaman pa lang natin kung totoo nga ang mga kuwentong lumalabas ngayon.
- Latest



















