May ‘patay’ na walang puntod
Itinuturing na bang patay ang mga taong maraming taon o dekada nang nawawala? Paano kung walang bangkay, walang puntod at walang anumang ebidensiyang magpapatunay kung ano ang nangyari sa kanila?
Ito ang masakit na tanong para sa mga pamilyang patuloy na naghihintay sa pagbabalik ng kanilang nawawalang mahal sa buhay. Tanong na walang sagot kahit dumulog na sila sa pulisya, korte at iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, nagpakalat ng mga litrato at nanawagan sa publiko.
May mga taong nawawala matapos umanong dukutin dahil sa kanilang mga paninindigan at adhikain. Tinatawag silang desaparecidos. Kabilang dito ang mga aktibista at iba pang taong ipinaglalaban ang kanilang mga simulain pero dinukot at hindi na nakita kahit kailan. Nananatiling palaisipan ang kanilang sinapit.
May mga nawawala rin na maaaring biktima ng human trafficking o ng mga sindikatong kriminal. Ang iba naman ay posibleng nasawi sa mga sakuna, gaya ng paglubog ng barko, lindol, baha at digmaan. Dahil hindi natagpuan ang kanilang mga bangkay, walang tiyak na kasagutan kung buhay pa sila o patay na.
Iba naman ang kaso ng mga naglayas, nagtanan, sadyang nagtago o naligaw. Posible pa silang matagpuan. Kaya hindi rin makatarungang ipagpalagay na patay na ang lahat ng matagal nang nawawala.
Sa ilalim ng ilang batas, itinuturing nang patay ang isang tao na nawawala sa loob ng itinakdang panahon. Hindi naman awtomatikong nagkakaroon ng death certificate ang isang tao dahil lamang matagal na siyang nawawala. Ang legal na pagpapalagay na patay na siya ay hindi rin katumbas ng aktuwal na pagpapatunay kung paano at kailan siya namatay.
Sa tuwing sasapit ang Undas, ginugunita natin ang mga yumao sa pamamagitan ng pagdalaw sa sementeryo, pag-aalay ng bulaklak at kandila, at pagdarasal sa harap ng mga puntod. Ngunit paano ang mga taong nawawala at walang puntod na madadalaw? Saan mag-aalay ng bulaklak ang kanilang mga pamilya kung hindi nila alam kung saan sila nakahimlay?
Parang bulang biglang naglaho ang mga taong nawawala. Tila nakabitin sa alanganin ang kanilang mga naiwang pamilya at kaibigan na patuloy na umaasang magkikita pa silang muli. Walang katiyakan ang kanilang paghihintay. Yayakapin na lamang nila ang mga larawan ng kanilang nawawalang mahal sa buhay at babalikan ang mga bagay na nagpapaalala sa kanila. Ayaw nilang magluksa hangga’t walang katiyakan, ngunit patuloy ang kanilang pagdadalamhati.
••••
Email — [email protected]
- Latest
















