^

Punto Mo

‘Galunggong’

HINDI MALILIMUTANG KARANASAN - Ronnie M. Halos - Pang-masa

TINDERA ng isda ang mama ko sa palengke. Ang papa ko naman ay mensahero sa isang kompanya. Dalawa kaming magkapatid at ako ang panganay. Dalaga pa si mama ay tindera na siya ng isda. Iba’t ibang isda ang tinda niya gaya ng galunggong, tulingan, hasa-hasa, pompano at iba pa.

Kapag wala akong pasok, Sabado at Linggo ay tinutulungan ko si Mama sa pagtitinda ng isda. Kahit ayaw ni Mama at ikinakatwiran na ang pag-aaral ko na lamang ang atupagin ko, nagpupumi­lit pa rin ako dahil naaawa ako sa kanya. Madaling araw pa lang kasi ay bumabangon na siya para magtinda ng isda. Kailangang abangan ni Mama ang mga ibinabagsak na isda mula sa Navotas para mayroon siyang itinda.

Natuto akong maglinis ng isda dahil sa panonood kay Mama. Nang tumagal, ako na  ang naglilinis at si mama na lamang ang tagatanggap ng bayad. Kapag naubos na ang isda dakong ala-una ng hapon, uuwi na kami ni Mama. Malapit lang bahay namin sa public market.

Isang umaga ng Sabado, naatrasado ako sa pagpunta sa palengke para tulungan si Mama dahil inihatid ko ang hiniram na libro sa aking kaklase. Nasa fourth year high school na ako noon.

Pagdating ko sa palengke, naabutan kong may kausap si Mama na isang lalaki at tila galit. Hawak ng lalaki ang isang plastic na may lamang isda. Hanggang sa maki­pagsagutan na si Mama sa lalaki na sa tingin ko ay siga-siga. Noon ko lang nakita ang lalaki.

Nang tinanong ko si Mama kung bakit, sinabi nito na humihingi pa ng sukli ang lalaki pero naibigay na niya. Bumili raw ng isang kilong galunggong. Sabi ni Mama, buong fifty pesos ang ibinigay niyang sukli sa lalaki. Pero nagmatigas ang lalaki na wala pang ibinibigay sa kanya. Hanggang sa makisali na ako. Sinabi ko sa lalaki na hindi mandaraya ang mama ko. Kung anu-ano pa ang sinabi ko sa lalaki.

Pero dinuro-duro pa nito si Mama kaya pinalis ko ang daliri nito sabay tulak. Napaatras ito. May binunot sa bulsa. Patalim! Si Mama ang sasaksakin. Nang uundayan si Mama, iniharang ko ang katawan at nasaksak ako sa braso.

Sumaklolo ang mga kala­lakihan at kinuyog ang lalaki. Dumating ang mga pulis at ­inaresto. Dinala ako sa ospital at tinahi ang sugat na may isang dangkal ang haba. Napag-alaman na dati na palang nakulong ang lalaki dahil sa attempted murder. Hanggang ngayon, hindi ko malimutan ang karanasang iyon na nag-iwan ng isang dangkal na peklat sa aking kanang braso. Pero kung may aaway uli kay Mama, itataya ko ang aking buhay para mailigtas siya.

vuukle comment

FISH

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with