Presyo ng bilihin, bantayan sa mga mananamantala  

NGAYON na ang simula ng taas-pasahe sa LRT-1 at LRT-2.

Bagama’t matagal na itong inanunsyo, hirit pa rin ng mara­ming pasahero na iliban daw muna.

Kasi nga raw nasabay ang pagpapatupad sa kalbaryong nararanasan ngayon ng marami, dahil sa pananalasa ng magkasunod na bagyo, lalo na nga ng super bagyong si Egay at ang habagat.

Malaking bahagi sa Central at Northern Luzon ang lubog pa rin sa baha. Mistulang tumigil ang takbo ng buhay sa maraming lugar dito.

Nasa 108 lugar sa Luzon ang nasa ilalim ng state of calamity dahil nga sa pananalasa ng magkasunod na bagyo.

Siyempre pa ang kasunod ng mga ito, eh alam na ninyo, ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Mukhang hindi yata mangyayari na magtuluy-tuloy ang inaasahan ng pamahalaan na pagbaba ng inflation. Iba kasi ang nangyayari ngayon.

Inamin ng Department of Agriculture (DA) na nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin, partikular nga ang bigas at mga gulay.

Aba’y talaga namang, inaasahan na ang ganitong pagtaas pagkatapos ng mga kalamidad, pero ang daing nga ng marami tila sobra-sobra naman umano ang itinaas sa presyo.

Baka andyan na naman ang mga mapagsamantalang negosyante na sinasamantala ang ganitong pagkakataon para kumita ng malaki.

Ito marahail ang dapat na mahigpit na mabantayan ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno.

Naiintindihan naman kung may pagtaas dahil nga sa mga pangyayaring pagdating ng kalamidad.

Hirap ang pagbiyahe at transportasyon, dahil sa marami pa ring lugar ang lubog sa baha, kaya marahil tumataas ang presyo.

Pero ‘wag namang sobra-sobra na at talagang pakiramdaman ng marami eh ginagamit at idinadahilan na ang kasalukuyang sitwasyon para makapanlamang.

Sa ganitong panahon dapat mas lalong maging maagap ang pamahalaan na mabantayan ang magsasamantala sa mga nahihirapan na nating mga kababayan.

Show comments