Bilibid inmates, ‘nabe-beybi’!

Eto ha, baka naman sumosobra na ang ginagawang pambe-beybi ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga bilanggo sa Bilibid.

Kaya naman pala meron pang mga manipesto ng suporta ang mga lider ng mga gang sa kasalukuyang pamunuan ng BuCor, eh dahil na rin marahil sa mga ibinibigay ng prebilehiyo sa mga ito na tila ngayon lang nangyari.

Pinahihintulutan ng BuCor ang mga bilanggo na mamili online gamit ang laptops ng piitan.

Ang mga laptops umanong ito ay gamit daw sa ‘e-dalaw’ program ng Bilibid sa mga bilanggo.

Hindi pa dyan nagtatapos, pwede na ring umorder online ng nais nilang pagkain ang mga preso.

Katwiran naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., bahagi raw ito sa reporma sa ilalim ng Mandela Rules.

Lahat naman umano ng delivery ay mahigpit na sasailalim sa securitry inspection para hindi malusutan ng mga kontrabando.

Pero sa tingin ng iba, ang mga makaka-afford lang na preso ang mabebenipisyuhan ng ganitong pribilehiyo. Iyong mga ‘can afford’ at siguradong mangilan-ngilan lang ito.

Yung nga lang pinapasok na mga pagkain mismo ng mga kaanak at dalaw ng mga preso ilang ulit nang nakasabat na sinasamahan ng kontrabando, baka naman pati ang mga delivery na ito parti­kular ang mga rider eh mapaikot din ng sindikato sa loob.

Ito ang nais na  ipasilip si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo , dahil nga sa mga ipinatutupad na ilang kaluwagan at prebilehiyo na ilang bilanggo nga lang ang ang siguradong makikinabang.

Yung mga may ‘datung’ ika nga.

Pinasisilip din ni Rep. Tulfo ang ilan na namang    mga pinarerentahang kubol sa loob kung saan pwedeng manatili hanggang isang linggo ang pamilya o kaanak ng isang preso para sa kanilang family bonding, basta mabayaran ang renta.

Akala ng marami pinaggigiba ang mga kubol sa loob na pinagmulan ng maraming kontrobersiya yun pala meron uli at pinarerentahan na.

Mukhang hindi na ito maganda , talagang pambebeybi ito sa mga bilanggo.

Walang masama na mabigyan ang mga bilanggo ng maayos na kondisyon sa kanilang piitan,  pero hindi rin naman yata makakabuti ang masydong magluwag sa mga ito.

Baka kasi dumating ang oras na sila ang nagmamando sa kanilang mga gusto at sumusunod na lang ang mga namumuno at jail guard  dito,  dahil takot silang mapetisyon ng mga io.

Marapat pa rin na may kamay na bakal na katakutan , hindi malamya na madidiktahan.

Show comments