Ang trabahong tagatikim ng pagkain

TOTOONG may taong ang trabaho ay tikman muna ang pagkain ng isang mataas na pinuno ng bansa bago ito ihain sa kanya. Ang food taster ang nagsisilbing guinea pig sa kanyang employer.

Bakit inihalintulad sa guinea pig? Sa guinea pig unang gina­gamit ang mga gamot na inieksperimento ng mga scientists.

Kahit open secret na may ganitong posisyon sa White House, tikom ang bibig ng U.S. Secret Service kapag iniinterbyu sila tungkol dito. Hindi nila kinukumpirma kung totoong may ganitong posisyon. Bawal silang magkomento sa mga security related issues.

Ngunit noong 2013, isang dating food taster ni Presidente Obama ang pumayag na magpainterbyu tungkol sa kanyang naging trabaho sa White House. Siya ay nagsilbing food taster mula 2009 hanggang 2012. Phillip Dorfman ang pangalan ng food taster.

Karaniwang nagsisimula ang kanyang trabaho sa umaga. Lahat ng nakatakdang kainin ng presidente ay titikman niya. May naka-escort sa kanya na ahente ng Secret Service. Tapos dadalhin siya sa isang kuwarto. Maghihintay ng ilang minuto para obserbahan kung mamamatay siya. Kung walang mangyari, magbibigay ang ahente ng signal na puwede nang pakainin ang Presidente at pamilya nito. Ganito rin ang procedure kahit sa labas ng White House.

Ang isa sa naging sakripisyo niya sa pagsisilbi sa Presidente ay naperwisyo ang kanyang bituka. Noong 2011, kasama siya sa grupo ni Presidente Obama sa Kabul, Afghanistan. Siya ang tumikim sa lamb kebab na ihahain sa grupo. Siyempre, siya muna ang tumikim sa pagkain. Sa kasamaang palad ang lamb pala ay ibinabad sa Drano. Sinadya talagang lagyan ng lason ang pagkain. Ang Drano ay brand ng asidong pangtanggal ng bara sa toilet. Isinugod siya sa ospital pero sobra ang naging pinsala sa kanyang bituka kaya pinutol ang 50 percent nito.

Nagkita sila ni Presidente Obama matapos ang operasyon. Ang tanging nasabi lang nito ay: I’m sorry for your intestine. Ganoon lang. Walang kaakibat na simpatiya sa binitawang salita.

Ang isa sa naging malaking hamon sa kanyang trabaho ay ang pagtikim sa mga niluluto ni Michelle­ Obama. Hindi man deretsahang inamin ni Dorfman, hindi masarap magluto si Michelle kaya nasabi niyang challenging ang pagtikim sa mga niluto ng dating First Lady.

Matipid ang naging pahayag ni Dorfman sa kanyang interview. Nasa posisyon pa kasi si Obama kaya hindi itinodo ang pagkukuwento. Habang iniinterbyu, nahalata ng writer na hirap itong kumilos dahil sa operasyon sa bituka. Hindi niya maipagtapat sa writer ang naging kompensasyon niya sa nabawasan niyang bituka. Kung tinanggal ba siya sa trabaho o kusa siyang nag-resign. Naibulong na lang ni Dorfman: Naging bayani ka nga, umikli naman ang bituka.

Show comments