Sibakan sa pagbabalik aksyon ng MPBL
Laro Ngayon(Bulacan Capitol Gymnasium )
7 p.m. Quezon City vs Valenzuela
9 p.m. Bulacan vs Parañaque
MANILA, Philippines — Maghaharap ngayon ang Quezon City at Valenzuela Classicshabang magtututos naman ang Bulacan Kuyas at Parañaque sa do-or-die game best-of-three quarterfinal series ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League-Anta Rajah Cup sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.
Pinaghatian ng QC Capitals at Valenzuela Classics ang kanilang serye sa 1-1, gayundin ang tunggalian ng host Bulacan Kuyas at Parañaque Patriots kaya’t asahan ang mainit na labanan ngayon.
Unang mapapalaban ang Capitals sa Classics sa alas-7 ng gabi na susundan ng engkuwentro ng Kuyas at Patriots sa alas-9.
Sinuman ang manalo sa No. 5 seed Capitals at No. 4 seed Classics ang siyang haharap sa top seed Batangas Athletics sa best-of-three semifinals showdown.
Lalabanan naman ng mananaig sa pagitan ng No. 2 seed Kuyas at No. 7 Patriots ang haharap sa No. 3 seed Muntinlupa Cagers sa sarili nilang best-of-three semis series.
Nakuha ng Batangas ang unang semis slot matapos walisin ang quarterfinal match laban sa Bataan Defenders, 2-0 at tinapos din ng Muntinlupa ang pag-asa ng Navotas Clutch sa parehong 2-0 para umusad sa semis round.
Bumawi ang Quezon Capitals laban sa Valenzuela, 76-68 sa Game 2 noong Marso 24 para paabutin sa Game 3 ang kanilang serye.
Umiskor si Hesed Gabo ng 17 puntos at umani naman ng double-double performance si Jay Collado sa kanyang 11 puntos at sampung rebounds para makaganti sa kanilang 89-96 kabiguan sa Classics sa Game 1.
“We really had to sacrifice. Kahit sa Holy Week wala kaming pahinga dahil pinaghandaan talaga namin ang deciding Game 3. It’s do-or-do-it for us. This game is so valuable, hindi kami puwedeng magpatalo,” sabi ni Quezon City coach Vis Valencia.
Samantala, umabot din sa deciding Game 3 ang serye ng Parañaque at Bulacan makaraang tambakan ng Patriots ang Kuyas, 81-54 sa Game 2.
Nanguna sa Patriots si Juneric Baloria na umiskor ng career-high 26 points noong Martes para makabawi sa kanilang tinamong 73-83 pagkatalo sa Bulacan sa Game 1.
- Latest