P200-K pabuya alok vs killers ng tserman ,
BATANGAS, Philippines — Nag-alok ng P200,000 si Sto. Tomas Mayor Arth Marasigan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang mga suspek sa pagpatay kay Barangay Sta. Anastacia Chairman Dennis Austria sa Batangas.
Pinagbabaril ng riding-in-tandem si Austria habang nagwawalis sa harap ng bahay nito sa My Homes Subdivision nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Mayor Marasigan, may lead na ang mga otoridad sa kaso, pero hindi muna niya idinetalye ang posibleng motibo sa krimen.
Mariing kinondena ng alkalde ang pangyayari at nangakong gagawin ang lahat sa kanyang kapangyarihan bilang punong lungsod para mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
Ayon naman sa asawa ni Austria, may posibilidad na may kaugnayan sa pulitika ang pagpatay ng kanyang asawa.
Bumuo na rin ang PNP ng Special Investigation Task Group ‘Austria’ para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa likod ng pagpatay sa punong barangay noong Huwebes ng umaga.
Ang task group ay binubuo ng Criminal Investigation and Detection-Calabarzon investigators, Regional Intelligence Division4a, Regional Forensic Unit4a personnel, Highway Patrol Group 4a operatives, local police, at iba pang support law enforcement units at ito ay pinamumunuan ni Col. Mario Mayames Jr, Regional Deputy Director for Operation.
- Latest


















